MTRCB, nalagpasan na ang revenue collection target para sa 2026

Lala Sotto MTRCB

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

ANG Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay nakakolekta na ng mahigit P100 milyon na lagpas sa revenue target bago pa man matapos ang taong 2026.

Inanunsiyo ito ni MTRCB Executive Director II Roberto Diciembre sa flag-raising ceremony ng Ahensiya nitong Lunes, 23 Nobyembre 2026. Ayon sa kanya, ang revenue target ng MTRCB ngayong 2026 ay P98 milyon, ngunit nakakolekta na ito ng P100.517 milyon.

Ibig sabihin, nahigitan na ng Ahensiya ang target nitong koleksiyon ng 102.57 persent bago pa man matapos ang taon.

Ang pinakamataas na koleksiyon ng registration, review at permit fees ay noong Enero 2026 na umabot ng P18.092 milyon.

Sabi ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto, ito ay patunay sa katapatan ng Ahensiya sa pagtupad ng mandato nito.

Wika ni Sotto, “We zealously safeguard the resources and public funds entrusted to us. Our responsibility to the Filipino people extends beyond media regulation; it includes ensuring that every peso entrusted to us is managed with accountability, transparency and integrity.”

Dagdag niya, “Ang sukatan ng mahusay na serbisyo ay nararamdaman sa araw-araw. Dapat malinaw ang mga bayarin at maagap ang pagproseso ng mga aplikasyon. Dapat madali ring maintindihan ng mga magulang ang ratings para makapagpasya sila kung ano ang angkop panoorin ng kanilang mga anak.”

Para naman kay Diciembre, “We congratulate our frontliners for working hard to achieve this feat, a testament to the efficient collection of public funds and their commitment to public service.”