Wangkay, humatak ng Bronze; pinakamagandang YOG finish ng Pilipinas

Wangkay Dakar YOG

DAKAR, Senegal — Isa na namang makasaysayang tagumpay ang naitala ng Team Philippines sa Youth Olympic Games (YOG) matapos masungkit ni Pi Durden Forward Wangkay ang bronze medal sa men’s 200 meters nitong Martes.

Mula sa ikalimang pinakamabilis na oras sa heats at pagkakatalaga sa Lane 9 sa final, pinatunayan ni Wangkay na hindi hadlang ang kanyang puwesto upang makasampa sa podium.

Sa pamamagitan ng matinding hataw sa huling bahagi ng karera, nagtala ang De La Salle standout ng personal best na 21.36 segundo upang makuha ang bronze medal.

Napunta naman kay Deuquan’ Farrell ng Guyana ang silver matapos manaig sa photo finish, sa pagitan lamang na 0.004 segundo.

“Para akong tumakbo nang walang nakikita dahil nasa Lane 9 ako. Hindi ko rin inasahan na makakakuha ako ng medalya dahil panglima lang ang oras ko sa heats. Pero gumana ang estratehiya namin ng aking ina at coach na si Jonah Genilza—ang tumakbo lang ako sa sarili kong karera,” ani Wangkay.

Ang De La Salle standout ay muling magsusuot ng uniporme ng kanyang alma mater simula Nobyembre 29 sa pagpapatuloy ng kampanya nito sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Dagdag pa niya, napansin niyang dikit na dikit si Farrell sa huling 10 metro kaya ibinigay niya ang lahat hanggang finish line.

“Hinangaan ko siya dahil todo ang ibinigay niya para makakuha ng medalya, kahit nauwi ito sa pagkasugat ng kanyang kamay,” dagdag ng Pinoy sprinter.

Nasungkit ni Ropafadzo Mzondo ng Zimbabwe ang gold medal sa oras na 21.04 segundo.

Ang bronze ni Wangkay ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa kasalukuyang YOG, kasunod ng silver medal ni kapwa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) athlete Naomi Marjorie Cesar sa women’s 800 meters noong Lunes.

Dahil dito, nalampasan na ng Pilipinas ang dating pinakamagandang kampanya nito sa apat na edisyon ng YOG.

Mas maganda na rin ang dalawang medalya ng bansa kumpara sa silver medal ni Christian Tio sa boys’ twin-tip racing ng kiteboarding noong 2018 Buenos Aires YOG. Hindi kabilang sa opisyal na medal tally ang gold medal ni Luis Gabriel Moreno na pinagsaluhan nila ni Li Jiaman ng China sa mixed NOC archery noong 2014 Nanjing Games.

Nagpaabot naman ng pagbati si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino kay Wangkay at sinabing inaasahan na niyang makapag-uuwi ito ng medalya matapos ang gold medal performance sa 2025 Asian Youth Games sa Bahrain.

“Congratulations, too, Pi,” mensahe ni Tolentino. “A job well done. Mabuhay ka, Pi!” pahayag naman ni Philippine Sports Commission chairman Patrick “Pato” Gregorio.

Ayon kay PATAFA president Terry Capistrano, magandang senyales para sa kinabukasan ng Philippine athletics ang ipinakitang galing nina Wangkay at Cesar.

Aniya, nagsisilbing sulyap ang kanilang tagumpay sa mga posibleng marating ng bansa sa Southeast Asian Games, Asian Games at maging sa mga susunod na Olympic Games.

Nanawagan din si Capistrano ng patuloy na suporta sa mga batang atleta upang magkaroon ang mga ito ng kumpiyansa na umangat pa sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

Hindi rin nawawalan ng tsansang makadagdag ng medalya ang Pilipinas dahil nananatili sa No. 7 si Jade Justin Justiniane sa men’s windsurfing sa Saly Beach West, na magpapatuloy hanggang Huwebes.

Tiwala ang 16-anyos na si Justiniane, alaga ng beteranong atleta at coach na si German Paz, na kaya niyang makipagsabayan para sa podium finish.

Samantala, nanatiling nangunguna ang China sa medal tally taglay ang 15 gold, walong silver at limang bronze matapos ang 125 sa kabuuang 151 events.

Sumunod ang Japan (9-7-7), Russian Federation (8-4-1), Egypt (6-1-4) at Ethiopia (5-3-0).

Sa hanay naman ng Southeast Asian countries, nanatili ang Singapore sa No. 39 tangan ang isang gold at isang silver, habang nasa No. 59 ang Vietnam na may isang gold at isang silver.

Nasa No. 82 naman ang Thailand, 18 puwesto sa likod ng Pilipinas na nasa No. 64, matapos makakuha ng bronze sa men’s pole vault. (POC Media Pool/HNT)