MANILA — Magiging sentro ng aksiyon ang Rizal Memorial Coliseum sa Nobyembre 26 hanggang 30 sa pagdaraos ng kauna-unahang ASTAF U19 Asian Sepak Takraw Championships na lalahukan ng may 300 batang atleta mula sa 15 bansa.
Kinumpirma ni Philippine Sepak Takraw Inc. president Karen Tanchanco-Caballero ang torneo sa kanyang pagdalo sa lingguhang PSA Forum nitong Martes sa PSC conference room sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.
Makakalaban ng Pilipinas ang mga koponan mula Bangladesh, Chinese Taipei, India, Indonesia, Iraq, South Korea, Malaysia, Myanmar, Pakistan, Thailand, Vietnam, Iran, Nepal at Oman.
Tampok sa limang araw na kompetisyon ang Regu at Quadrant events para sa boys at girls, gayundin ang boys’ doubles.
May tig-15 atleta ang ilalahok ng Pilipinas sa boys at girls divisions. Kasalukuyan nang naghahanda ang dalawang koponan sa Bulacan Sports Complex kung saan sila nagsasanay mula pa noong Setyembre.
Mangunguna sa boys’ squad si 17-anyos John Deryck Diego ng Escalante, Negros Occidental, na naging bahagi ng koponang nagkamit ng bronze medal sa senior division noong nakaraang SEA Games.
Sa girls’ team naman, aasahan ang husay ni 16-anyos Jay Ann Balwit, na may koleksiyon na ng mga medalya sa Batang Pinoy at Palarong Pambansa.
Samantala, tiniyak nina Philippine Sports Commission chairman Patrick “Pato” Gregorio at Commissioner Walter Torres ang buong suporta ng ahensiya sa pagpapaunlad ng grassroots sports.
Ayon kay Gregorio, patuloy ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex upang mas mapalakas ang paghahanda ng mga atleta at kapasidad ng bansa na mag-host ng mga international competition.
Bukod sa sepak takraw, mapakikinabangan din ang mga bagong pasilidad sa baseball at tennis.
Inihayag din ni Gregorio na bahagi ng benepisyo ng pagho-host ng mga pandaigdigang torneo ang pagbili ng mga bagong kagamitan na ipamamahagi sa iba’t ibang regional training centers pagkatapos ng mga kompetisyon. (PSA/HNT)
