BINI Mikha Lim

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

PINATAWAN ng 90-araw na preventive suspension ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng BINI member na si Mikha Lim kahapon, Miyerkoles, Nobyembre 11, 2026. Kaugnay ito ng viral video niya na gumagamit siya ng cellphone habang nagmamaneho. 

Kasabay nito, nagpalabas din ang ahensiya ng Show Cause Order (SCO) na nag-uutos kay sa Bini member na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng karagdagang parusa o tuluyang bawiin ang kanyang driver’s license.

Ang desisyon ng LTO ay nag-ugat sa kumalat na livestream video ni Mikha na nagpapakita habang nasa manibela at gumagamit ito ng cellphone, na isang paglabag sa batas laban sa distracted driving. 

Makikita rin sa video na inire-record ng singer ang kanyang sarili habang nagmamaneho nang biglang mahulog ang kanyang cellphone.

Nakunan din sa camera ang pag-abot niya sa ibabang bahagi ng sasakyan para kunin ang device at ang muling paghawak niya rito gamit ang dalawang kamay habang nasa byahe.

Dahil dito, posibleng maharap si Mikha sa paglabag sa Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, na nagbabawal sa paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets habang nagmamaneho.

Iginiit ng pamunuan ng LTO na patas ang pagpapatupad nila ng batas ukol sa kaligtasan sa kalsada.

“Whether famous or not, everyone is expected to abide by traffic laws. If found to have violated them, the LTO will impose the appropriate penalties,” wika ni LTO Chief Assistant Markus Lacanilao.

Sa November 20 pa pinapupunta si Mikha sa LTO, subalit kahapon, nagtungo ito agad sa tanggapan ng ahensya upang magpaliwanag at harapin ang reklamong inihain sa kanya.