International online sabong nabuko 19 arestado sa Pandi, Bulacan

online sabong

ISANG underground operation ng online sabong na sinasabing umaabot sa mga mananaya hanggang Mexico, Vietnam, at Cambodia ang nadiskubre ng mga awtoridad sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan, nitong Huwebes ng gabi, 5 Nobyembre.

Nabatid na nag-o-operate mula sa isang pasilidad sa Brgy. Poblacion, sa naturang bayan, ang hinihinalang ilegal na sentro ng pagsusugal na gumamit ng sopistikadong kagamitan sa livestreaming at mga sistema ng computer upang mag-broadcast ng mga sabong at mapadali ang online na pagtaya sa labas ng bansa.

Sinalakay ng pinagsamang mga yunit ng pulisya, sa pangunguna ng Regional Special Operations Group ng Regional Intelligence Division 3 (RSOG-RID3), ang pasilidad dakong 6:30 ng gabi sa bisa ng Search Warrant No. 154-M-2026 na inisyu ni Judge Reuben Ritzuko T. Veradio ng Malolos City RTC Branch 104

Sa lugar, natuklasan ng mga operatiba ang dalawang magkahiwalay na studio kung saan isinasagawa at ipinalalabas ang mga sabong.

Natagpuan rin ang mga computer system at iba pang electronic devices na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang underground operation na sinabing may mga koneksiyon sa mga aktibidad ng online gambling sa mga bansang Mexico, Vietnam, at Cambodia.

Kabilang sa mga nakompiska ay mga desktop computer, monitor, professional video camera, pan-tilt-zoom camera, camera controller, audio mixer, microphone, networking device, isang mobile phone, at iba’t ibang electronic accessories, ang apat na buhay na fighting cock.

Pahayag ni PRO3 Director P/BGen. Jess Mendez, sinusuportahan ng operasyon ang direktiba ni P/Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., hepe ng Philippine National Police, na paigtingin ang mga pagsisikap sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagsusugal at iba pang kriminal na aktibidad.

Nakiisa sa operasyon ang mga yunit ng Regional Intelligence Unit 3, Pandi MPS, Bulacan PPO, Regional Mobile Force Battalion 3, CIDG 3, at ang Directorate for Intelligence.

Isinagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay kaugnay sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 449 o ang Cockfighting Law of 1974, kaugnay ng Executive Order No. 9, Series of 2022; at Section 6 ng RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Isasampa ang mga kaso laban sa 21 suspek, kabilang ang 19 indibiduwal na naaresto sa pagsalakay, pati ang may-ari at superbisor ng pasilidad na wala sa operasyon. (MICKA BAUTISTA)