IPINAMALAS ng San Miguel Beermen ang kanilang tikas matapos makabangon mula sa 17 puntos na pagkakaiwan upang gapiin ang Barangay Ginebra, 108-102, at itabla sa 2-2 ang kanilang PBA Governors’ Cup quarterfinal series sa Game 4 nitong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Muntik nang makuha ng Gin Kings ang panalo matapos magtayo ng 55-41 bentahe sa halftime at palakihin pa ito sa 61-44 sa simula ng third quarter.
Subalit biglang nagbago ang ihip ng hangin nang magliyab ang opensa ng Beermen sa pangunguna nina George King at beteranong si Chris Ross.
Pinangunahan ni Ross ang nagbabagang 22-0 run ng San Miguel na tuluyang nagpabago sa momentum at nagbigay sa kanila ng kontrol sa laro.
Naging sandata rin ng Beermen ang sunod-sunod na tres nina King, Marcio Lassiter, Ross at CJ Perez upang tuluyang maagaw ang kalamangan, 66-61.
Bagama’t nagsikap ang Ginebra na makadikit sa huling yugto, hindi na nagpaawat ang San Miguel at pinangalagaan ang kalamangan hanggang sa huling buzzer.
Dahil dito, nauwi sa winner-take-all ang serye sa Game 5, kung saan iisang panalo na lamang ang kailangan ng alinmang koponan upang makausad sa semifinals. (HNT)
