PALAWAN, HULING MOOG NG KALIKASAN, NANGANGANIB SA OIL AT GAS EXPLORATION
Banta sa yamang-dagat at kabuhayan ng mga pamayanang baybayin

Malampaya Palawan

ni TEDDY BRUL Jr.,

SA LIKOD ng mala-paraisong tanawin ng Palawan — ang marilag nitong mga batong-apog, malinaw na karagatan, mayamang bahura at luntiang kagubatan — ay may namumuong panganib na maaaring magpabago sa kinabukasan ng lalawigan. Ang mga planong eksplorasyon at pagpapaunlad ng langis at natural gas sa karagatang nakapaligid dito ay nagbubukas ng posibilidad ng malubhang pinsala sa yamang-dagat, kabuhayan ng mga pamayanang baybayin at kalusugan ng mga mamamayan.

Nagbabala ang Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), isang think tank na nakatuon sa pagpapanatili at pangangalaga sa kalikasan, hinggil sa dumaraming Petroleum Service Contracts (PSC) na isinusulong sa mga karagatang nakapalibot sa Palawan.

Ayon sa grupo, maaaring malantad sa iba’t ibang panganib na pangkapaligiran, panlipunan, at pangkalusugan ang mayamang biodiversity ng lalawigan at ang mga komunidad na umaasa sa karagatan.

Sa bagong inilabas nitong ulat na pinamagatang “Don’t Drill Paradise: A Scoping Paper on Oil and Gas Exploration and Development in the Philippines,” isiniwalat ng CEED na 14 sa 22 aktibong petroleum service contracts sa buong bansa ay matatagpuan sa mga karagatang nakapalibot sa Palawan.

Kinikilala bilang UNESCO Biosphere Reserve at malawak na tinatawag na “huling moog ng kalikasan” ng Filipinas, tahanan ang Palawan ng mahahalagang ekosistemang pandagat. Gayunman, hindi bababa sa apat na lugar na saklaw ng mga kontrata ang matatagpuan malapit sa mga protektadong pook, kabilang ang Tubbataha Reefs Natural Park na kinikilala bilang UNESCO World Heritage Site, El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area, at Malampaya Sound Protected Landscape and Seascape.

Iniulat din ng CEED na apat na aktibong PSC ang matatagpuan mismo sa loob ng municipal waters o karagatang nasasakupan ng mga lokal na pamahalaan. Samantala, lahat ng natukoy na kontrata sa Palawan ay sumasaklaw o nagkakapatong sa mga itinakdang Fisheries Management Areas (FMA).

Direktang nakaugnay ang mga nasabing lugar sa mga gawaing pangisdaan at kabuhayan ng mga pamayanang baybayin.

“Ang eksplorasyon ng langis at gas ay maaari nang magdulot ng ingay sa ilalim ng dagat na posibleng makapinsala sa pandinig ng mga nilikhang naninirahan sa dagat, magdulot ng stress at gumambala sa kanilang mahahalagang prosesong biyolohikal. Maaari rin maipon sa paglipas ng panahon ang mga panganib na dulot ng oil spill, polusyon ng methane, banta sa kabuhayan at posibleng epekto sa kalusugan,” ayon kay Gerry Arances, executive director ng CEED.

“Para sa isang bansang may malaking potensiyal sa renewable energy, walang makatuwirang dahilan upang ilagay sa panganib ang mahahalagang biodiversity at ang huling moog ng ating kalikasan para sa mga pinagkukuhaan ng enerhiyang lalo pang nagpapalala ng krisis sa klima,” dagdag ni Arances.

Binigyang-diin ni Atty. Gerthie Mayo-Anda ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC), na nakabase sa Puerto Princesa, ang pangangailangang muling suriin ang mga siyentipiko at pangkapaligirang batayan sa pagkilala sa Palawan bilang huling moog ng kalikasan sa bansa.

“Isa tayong ekosistemang binubuo ng 1,700 isla at nahaharap na tayo sa napakaraming banta. Mahalagang balikan at masusing suriin ang mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa sa nakalipas na ilang dekada na nagtatag sa kahalagahang ekolohikal ng Palawan, gayundin sa reputasyon nito bilang lugar na sagana sa likas na yaman at may mga ekosistemang nananatiling medyo hindi nagagalaw,” aniya.

Kinuwestiyon ni Mayo-Anda ang patuloy na pagdami ng mga petroleum service contract sa paligid ng lalawigan, gayundin ang tila kawalan ng sapat na kaalaman ng publiko hinggil sa planong pangkaunlaran sa enerhiya na ipinapatupad sa Palawan.

“Kabalintunaan at lubhang nakababahala na napakarami na nating service contract sa paligid ng lalawigan. Higit pang nakababahala na tila walang sapat na kaalaman ang mga stakeholder kung anong bagong energy master plan ang ipinapatupad para sa Palawan. Nasaan ang siyensiya? Nasaan ang konsultasyon sa buong prosesong ito?” tanong niya.

Noong 20 Oktubre, inilunsad ng mga lider ng simbahan, organisasyong sibil, tagapagtaguyod ng kalikasan, mga grupo ng Indigenous Peoples (IP), organisasyon ng mga mangingisda at iba pang sektor ang kampanyang “Defend Palawan”.

Layunin nitong ipagtanggol ang mga sistema ng produksiyon ng pagkain, mga pamayanan at biodiversity ng lalawigan laban sa mapanirang gawain ng industriya ng fossil fuel, sa gitna ng patuloy na paglala ng mga panganib na dulot ng krisis sa klima.

Ipinanawagan ni Fr. Mon Herher ng Social Action Center ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa nang higit na transparency at masusing pagsusuri sa mga panukalang eksplorasyon ng langis at gas sa karagatan.

“Nanawagan kami ng seryoso at malinaw na pagsusuri sa mga panukalang eksplorasyon ng langis at gas sa karagatan, partikular sa mga proyektong maaaring magbanta sa mga protektadong lugar, biodiversity sa dagat, at kabuhayan ng mga bulnerableng pamayanan,” aniya.

“Ang ating mga karagatan ang nagpapanatili sa sektor ng pangisdaan, sumusuporta sa lokal na turismo at nagsisilbing pinagkukuhaan ng pagkain ng napakaraming pamilya. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga panganib na kaakibat ng eksplorasyon ng langis at gas, lalo na sa mga lugar na sensitibo sa aspektong ekolohikal. Hindi natin dapat hintaying magkaroon ng pinsalang hindi na maibabalik bago tayo kumilos,” dagdag ni Fr. Herher.