RATED R
ni Rommel Gonzales
PINASOK ng actress/host/champion dancer na si Gela Atayde ang pagnenegosyo sa pamamagitan ng isang food stall sa bazaar sa Bemch Tower sa 30th St. corner Rizal Drive, Bonifacio Global City sa Taguig.
Nakatutuwa dahil ang pangalan ng kanyang mga produkto ay “Ibyang’s” na hango mula sa pangalan ng mommy ni Gela, ang multi-awarded actress na si Sylvia Sanchez.
Bukod dito ay mga recipe ni Sylvia ang mga homemade spread ni Gela tulad ng Chicken Spread at Cheese Pimiento Spread.
May tagline na “A little comfort in every jar,” unang beses ito na nag-bazaar si Gela.
Si Gela ang namahala sa costing at packaging ng “Ibyang’s” at sa susunod na taon ay nakatakdang buksan naman ni Gela ang “Ibyang’s Restaurant na idaragdag sa menu ang mga recipe naman ng mamita (o grandmother) ni Gela na si Mamita Pilar Atayde.
