NU Lady Bulldogs, umangat bilang top seed; FEU, pasok din sa quarterfinals

Abe Pono Arah Panique NU vs FEU SSL

WALANG naging hadlang sa ratsada ng National University (NU) Lady Bulldogs matapos nilang gapiin ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-21, 25-19, 19-25, 25-16, upang angkinin ang No. 1 spot sa Pool E ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup Round 2 nitong Sabado sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.

Nagtapos ang NU na malinis ang rekord sa tatlong laro (3-0) matapos manaig sa kapwa matikas na FEU squad at patatagin ang kampanya para sa korona.

Naging pangunahing sandata ng Lady Bulldogs si Arah Panique (#18) na nagpakawala ng 18 puntos mula sa 13 attacks, dalawang blocks at tatlong service aces para pangunahan ang NU at hiranging best player of the game.

Mainit ang simula ng NU matapos dominahin ang unang dalawang sets, ngunit hindi nagpatinag ang Lady Tamaraws at nakabawi sa ikatlong set, 25-19.

Gayunman, hindi pinayagan ng Lady Bulldogs na lumawig pa ang laban matapos muling kontrolin ang laro sa fourth set, 25-16, para tuluyang selyuhan ang panalo.

Sa kabila ng pagkatalo, pasok pa rin ang FEU sa quarterfinals bilang No. 2 seed sa Pool E tangan ang 2-1 kartada.

Kapwa nakamit ng dalawang koponan ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals, na magbibigay sa kanila ng dagdag na pagkakataong makausad sa susunod na yugto ng torneo. (HNT)