Isang boto na lang para sa ‘not guilty’ ni Sara

Sipat Mat Vicencio

SIPAT
ni Mat Vicencio

KUNG tutuusin, isang boto na lang ang kailangan ni Vice President Sara Duterte para makuha ang hatol na ‘not guilty’ sa kasong kinakaharap sa Senate impeachment court.

Kabuuang pitong boto ang kinakailangan para hindi ma-convict si Sara. Sa ngayon, anim na senator ang kakampi ng bise presidente, samantala, 14 naman ang sinasabing anti-Sara senators.

Isang senator-judge lang ang dapat na ‘bumaliktad’ para hindi tuluyang mahatulang ‘guilty’ si Sara.

Sa kasalukuyang komposisyon ng Senado, 14 na senator ang nasa majority bloc at anim naman ang kabilang sa minority bloc.

Itinuturing na pro-Sara senator ang minority bloc na pinamumunuan ni Senator Alan Peter Cayetano at pro-administration naman ang majority bloc sa ilalim ng liderato ni Senator Win Gatchalian.

Base sa naging desisyon ng impeachment court, 20 ang magiging kabuuang bilang ng mga senador-judges sa isinasagawang trial matapos na ibaba ang voting threshold o hangganan ng boto na kinakailangan sa Sara impeachment trial.

Hindi rin maituturing na ‘functioning senators’ o may kakayahang lumahok sa impeachment trial ang apat na senator dahil sa patuloy na hindi paglutang o pagsipot sa Senado.

Sina Senator Jinggoy Estrada at Dante Marcoleta ay nakakulong habang si Bato Dela Rosa ay nagtatago pa rin, samantala si Loren Legarda naman ay nasa ibang bansa.

At sa mga susunod na pagdinig ng impeachment court na inaasahang matatapos sa Disyembre, malalaman na kung ‘guilty’ o ‘not guilty’ ang magiging hatol ng mga senator-judges kay Sara.

Kaya nga, sa 14 senators na kabilang sa majority bloc, sino kaya sa kanila ang ‘tatalon ng bakod’ para suportahan si Sara? Isang boto ng senator-judge na magbibigay ng hatol na ‘not guilty’ sa pangalawang pangulo.

Si Senator Chiz Escudero?  Si Senator JV Ejercito ba? O, si Senator Migz Zubiri?