PADAYON
ni Teddy Brul

ISANG unibersal na katotohanan na ang tanging yaman ng uring manggagawa ay ang kanyang lakas-paggawa. Ito ang nagpapatakbo sa mga makinarya, bumubuhay sa mga pabrika, at nagpapaunlad sa mga industriyang nagpapasasa sa dambuhalang tubo.
Gaya nga ng tanyag na kataga ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si Abraham Lincoln: “Labor is prior to, and independent of, capital. Capital is only the fruit of labor, and could never have existed if labor had not first existed. Labor is the superior of capital, and deserves much higher consideration.”
Kung ang pagbabatayan ay ang ambag sa ekonomiya, ang mga manggagawa sa Region IV-A o CALABARZON ang dapat na pinakatinitingnan at pinakamataas ang konsiderasyon. Ang rehiyong ito ang natatanging baluwarte ng industriya sa bansa at may pangalawang pinakamalaking ambag sa Gross Domestic Product (GDP) ng Filipinas na pumapalo sa 14.7 porsiyento. Tanging ang Metro Manila lang ang nakalalamang sa kanila.

Ngunit sa kabila ng pagiging natatanging makina ng pambansang industriya, bakit barya at mumo kung ituring ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-4A) ang sikmura ng mga manggagawa rito?
Sa Oktubre 26, 2026, pormal nang ipatutupad ang Wage Order No. IVA-23 na nagkakaloob ng ‘insultong’ ₱25 hanggang ₱45 umento sa arawang sahod.
Para sa mga labor group sa pangunguna ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino–Southern Tagalog (BMP-ST), ang dagdag na ito ay hindi umento kundi isang malupit na pambabarat na ganap na hiwalay sa reyalidad ng merkado.

Suriin natin ang mga numero. Nitong Setyembre 2026, lumundag sa 7.2 porsiyento ang headline inflation rate sa Filipinas. Mas malala ang sitwasyon sa CALABARZON dahil sumabog sa 12.1 porsiyento ang inflation sa pagkain, partikular sa bigas at mga cereal.
Ang umentong limang piso hanggang apatnapu’t limang piso ay lalamunin lang sa isang iglap ng nagtataasang pasahe, koryente, LPG, at bigas. Hindi man lang ito makabibili ng kalahating kilo ng pinakamurang bigas sa palengke ngayon.
Kung gagamitin ang pinakabagong Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng PSA, ang isang pamilya sa CALABARZON ay nangangailangan ng hindi bababa sa ₱1,144.33 araw-araw upang matugunan ang kanilang aktuwal na gastusin. Samantala, sa taya ng IBON Foundation, umaabot sa ₱1,312.00 kada araw ang Family Living Wage o ang halagang kailangan para sa isang disenteng pamumuhay.

Ikompara natin ito sa bagong pinakamataas na minimum wage sa rehiyon na naglalaro sa halos ₱520 kada araw. Ibig sabihin, kulang ng higit ₱600 hanggang ₱700 araw-araw ang kinikita ng isang manggagawa para lamang mabuhay nang marangal ang kanyang pamilya! Ang kasalukuyang sahod ay sumasayad lamang sa “Poverty Threshold” o sa opisyal na linya ng kahirapan ng PSA na ₱515.23 kada araw — isang antas na sapat lang para hindi mamatay sa gutom, ngunit kulang na kulang para mabuhay bilang tao.
Anim na buwan pinaghintay ng RTWPB ang mga manggagawa mula nang maghain sila ng petisyon noong Abril sa kasagsagan ng krisis sa Kanlurang Asya. Pagkatapos ng kalahating taong pagtitiis, ang isinilang ng lupon ay ‘kumakalansing na barya’ na hugis tandang pananong kung saang planeta ba nakatira at kung ano ang kinakain ng mga opisyal na nagtakda nito.
Hindi hihinto ang mga pagkilos sa Calamba Medical Center, TCB Royal Industries, at sa iba pang mga unyon sa rehiyon. Hangga’t patuloy na itinuturing na ‘bunga’ lamang ng kapital ang lakas-paggawa, at hangga’t hindi ibinibigay ang nararapat na pagkilala sa mga tunay na lumilikha ng yaman ng bansa, mananatiling mitsa ng destabilisasyon at protesta ang bawat pisong ipinagkakait sa kanila.
Kapital ang bunga ng paggawa, at hindi baligtad. Panahon na para itindig at ipaglaban ang sahod na nakabubuhay, hindi sahod na pang-alipin!
