ASAM ng Bacolod City na makapagtala ng kasaysayan bilang punong-abala sa pinakamalaking Batang Pinoy National Championships na idaraos sa Disyembre 12-18.
Tinatayang 35,894 kalahok mula sa mahigit 200 lokal na pamahalaan sa bansa ang magtitipon sa tinaguriang City of Smiles para sa isang linggong paligsahan na lalahukan ng mga batang atleta edad 8 hanggang 15.
Sa kabuuang bilang, 27,763 ang mga atleta, 6,144 ang coach at 1,987 ang mga opisyal na maglalaban-laban sa 30 sports disciplines.
Para matiyak ang maayos na pagtanggap sa dambuhalang delegasyon, naghanda ang lokal na pamahalaan ng 43 paaralan na may kabuuang 30,996 higaan para sa matutuluyan ng mga kalahok.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio, higit pa sa medalya at kampeonato ang tunay na layunin ng Batang Pinoy dahil dito nagsisimulang mahubog ang mga susunod na pambansang atleta.
“Sa Batang Pinoy nagsisimula mangarap ang kabataan. Sa Batang Pinoy nakasuporta ang mga magulang. Iyan ang hangarin at diwa na gusto ng Philippine Sports Commission,” ani Gregorio.
Inaasahan namang magiging malaking inspirasyon sa mga kabataang Bacolodnon ang pagdating ng libu-libong atleta mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Magiging malaking pagbabago ito para sa sports ng kabataan sa Bacolod. Isipin na libu-libong batang atleta ang maglalaban sa pinakamalaking grassroots sports event sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Greg Gasataya.
Nakahanda na rin ang Philippine National Police para sa mahigpit na seguridad sa buong kompetisyon.
Sa Panaad Stadium gaganapin ang pangunahing mga laban, habang inaasahang iimbitahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa opening ceremony.
Pinangungunahan ng taekwondo ang may pinakamaraming kalahok na umabot sa 3,327, kasunod ang aquatics na may 3,042, futsal (2,009), athletics (1,803), chess (1,582), arnis (1,435) at badminton (1,300).
Hindi lamang sports ang makikinabang sa malaking pagtitipon kundi maging ang negosyo at turismo ng Bacolod.
Paliwanag ni Gregorio, posibleng dumoble ang bilang ng mga bisita dahil may mga magulang at kapamilyang sasama sa mga batang atleta. Malaking tulong ito sa mga hotel, kainan, transportasyon at maliliit na negosyo.
Samantala, itinalagang pinuno ng delegasyon ng Bacolod si City Councilor Jason Villarosa, katuwang si City Administrator Atty. Mark Steven Mayo. Si PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo naman ang project director ng palaro.
Muling pagbabalik ito ng Batang Pinoy sa Bacolod matapos itong maging punong-abala sa pambansang palaro para sa kabataan ilang dekada na ang nakalilipas.
Sa pamamagitan ng kompetisyon, inaasahang mas marami pang batang Pinoy ang mabibigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang talento at makapagbukas ng landas tungo sa pagiging susunod na pambansang kampeon. (PSC/HNT)
