DALAWANG batang manlalangoy ang magdadala ng bandila ng Pilipinas sa pagbubukas ng Youth Olympic Games!
Hindi nag-iisa si Jamesray Mishael Ajido sa pagdadala ng bandila ng Pilipinas matapos italaga rin ang kapwa batang manlalangoy na si Riannah Chantelle Coleman bilang flag-bearer ng Team Philippines sa pagbubukas ng ikaapat na Youth Olympic Games (YOG) sa Oktubre 31 sa Dakar, Senegal.
Alinsunod ito sa adbokasiya ng International Olympic Committee (IOC) na isang lalaki at isang babaeng atleta ang manguna sa pagdadala ng watawat ng kani-kanilang bansa sa parada ng mga atleta.
Una nang pinangalanan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino si Ajido bilang flag-bearer, bago isinama si Coleman dahil kapwa sila makararating sa Senegal sa tamang oras para sa seremonya sa Abdoulaye Wade Stadium sa Diamniadio.
Kasama nina Ajido at Coleman sa 29-oras na biyahe mula Maynila patungong Dakar, via Istanbul, ang wushu athlete na si Angel Polo at kanilang mga coach noong Miyerkules ng gabi.
Samantala, sa Nobyembre 4 pa lilipad patungong Dakar ang iba pang miyembro ng Team Philippines na sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III ng artistic gymnastics, Maritanya Krog ng cycling, Pi Durden Wangkay at Naomi Marjorie Caesar ng athletics, at Jade Justine Justiniane ng windsurfing.
Inaasahang magiging makulay ang pagbubukas ng torneo na nagtitipon sa mga batang atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga kabataang Pinoy na magtatangkang magbigay ng karangalan sa bansa. (POC/HNT)
