SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MALAKAS manggulat ang bagong handog na pelikula ni Direk Darryl Yap, ang kanyang kauna-unahang horror film na VHS (Viva Horror Stories). Sa unang tagpo pa lang, tiyak na mapatitili agad ang manonood.
Kilalang matapang si direk Darryl sa mga pelikulang ginagawa niya at sa unang pagsubok niya ng horror movie, hindi naman siya nabigo na manakot.
Ang VHS ay isang three-part horror stories na nagtatampok sa tatlong magkakaibang kuwentong may kanya-kanyang misteryo at nakakikilabot na pangyayari.
Bagamat hindi naman sobrang nakatatakot ang tatlong istorya, nakatitiyak kaming mapatitili ang manonood dahil nakadagdag ang musical scoring para magkapagbuo ng kaba sa dibdib gayundin ang pabigla-biglang pag-apir sa mga nakatatakot na bagay o personalidad.
Mapapanood sa three-part horror stories ang kuwento ng isang cheerleader na hinahabol ng isang sinister presence sa campus, isang tila perfect romance na nagtatago ng nakagigimbal na sikreto, at isang celebrity couple na kailangang harapin ang isang mahirap na desisyon matapos maisilang ang kanilang anak.
Tampok sa pelikula sina Sarah Lahbati, Ella Cruz, Sachzna Laparan, McCoy de Leon, at Kit Thompson.
In fairness, magagaling at nagampanan ng mga bida ang kani-kanilang karakter subalit ang mas nakapukaw ng aming atensiyon ay ang husay ni McCoy sa Spoiled episode na gumaganap siya bilang isang maalaga, malinis, mabait, at almost perfect na boyfriend kay Ella. Subalit sa kabila ng kabaitang ito, may nakatagong nakagigimbal na katauhan niya.
Nakarami naman kami ng tili sa Dasal episode ni Sachzna. Nakaloloka ang mga tagpo ni Sachzna na for sure kahit siya ay nabaliw dito.
Isang tagumpay na maituturing ni direk Darryl ang pag-cross over niya sa pagdidirehe ng horror na aniya nga, ang istorya ng pelikulang ito ay mula sa kanyang mga lumang one act play from years ago.
Sa pelikulang ito rin nailabas ni direk Darryl ang sabi nga niya ay mga bagay na kinatatakutan niya. Kung ano iyon, panoorin ninyo ang pelikulang VHS na bahagi ng taunang Halloween horror film festival ng SM Cinema na Sine Sindak, na magbabalik para sa ikapitong edisyon nito mula October 28 hanggang November 3. Handog ng Viva Entertainment, nood na ng VHS!
