NAGSAMA sina rapper Pio Balbuena at Senador Bam Aquino para mag-donate ng 21 laptop sa mga estudyante ng P. Burgos Elementary School sa Maynila, gamit ang nalikom mula sa bidding ng 1-of-1 Tambay Cap.
Nanalo sa bidding si Miguel “Migs” Valerio ng MV Shoes and Apparel sa kanyang P410,000 na bid para sa natatanging Tambay Cap.
Ayon kay Migs, noong una ay P50,000 lamang ang plano niyang i-bid para sa Tambay Cap, ngunit nagpasya siyang lakihan ang bid nang malaman na ang pera ay gagamitin para matulungan ang mga estudyanteng nangangailangan.
Pinasalamatan ni Sen Bam si Migs dahil maraming estudyante ang matutulungan ng halagang ibinayad niya para sa Tambay Cap.
“Ang daming matutulungan nitong nabili mo. Of course, napakaganda niyong Tambay Cap but ‘yung ipinambili mo will help so many kids. So maraming, maraming salamat,” wika ni Sen. Bam, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Agad namang nagtungo sina Pio at Migs sa Easy PC para bumili ng 11 laptop para sa mga estudyante ng P. Burgos Elementary School sa Maynila sa pakikipagtulungan sa tanggapan ni Mayor Isko Moreno Domagoso.
Bilang suporta sa programa nina Sen. Bam at Pio, nangako ang pamunuan ng Easy PC na magdaragdag ng 10 laptop sa binili ng dalawa, kaya umabot sa 21 ang kabuuang bilang ng mga laptop na ipinamahagi sa paaralan at nag-akyat sa halaga ng pina-auction na Tambay Cap sa P610,000.
Ayon naman kay Pio, maliban sa mga laptop, ginamit din ang bahagi ng nalikom mula sa bidding ng Tambay Cap para pambili ng 220 Pabaon Packs para sa Grade 6 students ng P. Burgos Elementary School.
Namahagi rin si Pio ng 35 Tambay Caps sa Grade 6 students, habang namahagi naman ang MV Shoes and Apparel ng 30 bags para sa mga guro.
Ito ang ikalawang taon na nagsagawa sina Pio at Sen. Bam ng bidding para sa Tambay Cap upang makalikom ng pambili ng mga laptop para sa mga estudyante.
Noong nakaraang taon, nakabili ang dalawa ng 10 laptops para sa mga estudyante ng Marikina High School gamit ang P155,000 na nalikom mula sa bidding ng Tambay Cap.
Dinagdagan ito ng Easy PC ng 10 pang laptops kaya umabot sa 20 ang naipamigay nila sa mga estudyante ng Marikina City na pinamumunuan ni Mayor Maan Teodoro.
Sinabi ni Pio na layunin ng kanyang inisyatiba na makatulong sa pagsusulong ni Sen. Bam ng de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga estudyante ng mga kagamitang makatutulong sa kanilang pag-aaral.
Si Pio ang may-ari ng internationally recognized na “Tambay” caps. Sa pamamagitan ng kanyang kompanya na Tambay Traders Inc., nagbibigay din siya ng kabuhayan sa mga walang trabaho.
