PSC, BELL-KENZ NAGKAISA SA CPR TRAINING
Mga atleta at sports personnel, sasanayin sa pagliligtas ng buhay

Bell-Kenz Sagip CPR PSA PSC

PALALAKASIN ng Philippine Sports Commission (PSC) at Bell-Kenz Pharma ang kaalaman ng mga atleta at sports personnel sa paunang lunas sa pamamagitan ng pagsasanay sa cardiopulmonary resuscitation (CPR).

Sa ilalim ng programang “Bell-Kenz Sagip CPR,” tuturuan ang mga kalahok ng mga kasanayang maaaring makatulong sa pagliligtas ng buhay sa oras ng biglaang paghinto ng tibok ng puso at iba pang emergency.

Inanunsiyo ni PSC Commissioner Walter Torres ang programa sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na ginanap nitong Martes sa PSC Media Room sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.

Kasama ni Torres sina Philippine Life Saving head Danilo “DJ” Salonga Jr., Bell-Kenz Pharma director Patrick Larraga, National Youth Commission Undersecretary Joseph Francisco Ortega at Dr. Alexis Dimapilis ng Department of Health, sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), MILO at ArenaPlus, ang 24/7 sports app ng bansa.

Kasamang nakibahagi sa kampanya ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard at mga pambansang atleta.

Binigyang-diin ng mga tagapagtaguyod ng programa ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mga emergency sa larangan ng palakasan habang hinihintay ang pagdating ng mga medical responder.

Layunin din ng inisyatiba na palawakin ang kaalaman sa basic life support at hikayatin ang mga atleta, coach at iba pang sports personnel na maging katuwang sa pagsusulong ng kaligtasan sa kanilang mga organisasyon.

Isasagawa ang aktuwal na pagsasanay sa CPR sa Oktubre 29, 2026, sa Ninoy Aquino Stadium, kung saan matututunan ng mga kalahok ang wastong pagtugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang tulong medikal.

Sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, hangad ng PSC at Bell-Kenz na gawing mahalagang bahagi ng paghahanda ng mga atleta at pamamahala ng mga sporting event ang kaalaman sa pagliligtas ng buhay. (PSA/HNT)