NANAWAGAN ang Volunteers Against Crime and Corruptiom (VACC) sa Korte Suprema para sa mas maayos na pagpapatupad at uploading ng e-Warrant sa bawat korte sa buong bansa.
Ang panawagan ng VACC kasabay ng pagsasampa ng reklamong perjury laban sa isang hukom sa Sta. Rosa, Laguna kahapon ng umaga.
Ayon sa complainant na si Monalie Dizon, anim na taon na ang kason ngunit hindi pa naia-upload ng tanggapan ni Judge Alvin Landicho ang e-Warrant na hinihintay ng law enforcement agencies upang kanilang maipatupad.
Kaugnay nito, sinamahan ni VACC Chairman Manny Obedoza si Dizon upang personal na magsampa ng kasong perjury sa Municipal Trial Court laban kay Judge Landicho sa Sta. Rosa, Laguna.
Binigyang-linaw ni Dizon na hindi niya hangad humantong ang usapin sa antas nasyonal, ngunit aniya, ang kanilang hangad ay katotohanan at hustisya.
Sinubukan ng mga mamamahayag na kunin ang pahayag ang kampo ni Judge Landicho ngunit wala sa kanyang tanggapan dahil naka-leave umano ayon kay Mario Catindid, Jr., City Cultural Affairs Office ng Santa Rosa, Laguna na nagtungo sa tanggapan ng hukom upang ipaalam kung maaaring makapanayam ng mga mamamahayag.
Umapela si Dizon na gampanan nang maayos ni Judge Landicho ang kanyang tungkulin at huwag baliktarin ang kuwento upang mas mapabilis ang pag- aresto sa mga may dapat panagutan sa batas.
Sinubukan din hingan ng pahayag si Sta. Rosa acting chief of police (COP) P/Lt. Col. John Paolo Carrecedo ukol sa usapin ng e-Warrant na pinag-ugatan ng kaso ngunit tumanggi ang opisyal.
Aniya, ipauubaya niya ang lahat ng usapin sa korte lalo na’t naisampa na ito sa piskalya at kailangan muna niyang humingi ng clearance sa nakatataas kung kailangan niyang magbigay linaw sa usapin sa isang press conference. (NIÑO ACLAN)
