Cloud 9, sasabak sa world stage
SIARGAO, SENTRO NG WORLD-CLASS SURFING AT SPORTS TOURISM

Cloud 9 Siargao Surfing

SIARGAO — Muling mapapatingin sa Pilipinas ang buong mundo sa pagdating ng mga pinakamahusay na surfer sa Cloud 9 sa Siargao para sa World Surf League (WSL) Philippines Pro Championship Tour sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 8.

Sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC), magsasama-sama sa sikat na surfing spot ang 40 mahuhusay na surfer mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa isa sa pinakamalalaking surfing event na gaganapin sa bansa.

Hindi lang ito labanan para sa titulo. Malaking pagkakataon din ito upang makilala pa ang Siargao sa ibang bansa, dumami ang mga turistang bibisita at lumakas ang kabuhayan ng mga residente.

Kabilang sa mga inaabangang lalahok sa men’s division ang world No. 1 na si Yago Dora ng Brazil, Leonardo Fioravanti ng Italy, Kanoa Igarashi ng Japan, at mga Brazilian star na sina Italo Ferreira, Miguel Pupo, Gabriel Medina at Filipe Toledo.

Sa women’s division naman, makakasama ang mga kilalang surfer na sina Molly Picklum ng Australia, Caroline Marks ng Estados Unidos, Erin Brooks, Gabriela Bryan ng Hawaii at beteranang si Lakey Peterson.

Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, na namumuno rin sa National Sports Tourism Inter-Agency Committee (NST-IAC), malaking tulong ang mga pandaigdigang palaro upang maipakita sa mundo ang ganda at potensiyal ng Pilipinas bilang destinasyon ng mga turista.

“Hindi lang basta pagdaraos ng kompetisyon ang sports tourism. Paraan din ito upang maipakilala ang ating mga lugar, mapalago ang kabuhayan ng mga residente, makahikayat ng mga mamumuhunan at maipakilala ang Pilipinas sa buong mundo,” ani Gregorio.

Bitbit din ng tatlong Pinoy surfer ang pag-asang maipakita ang husay ng mga lokal na atleta sa harap ng mga dayuhang kalahok. Kabilang dito ang pambato ng Siargao na si John Mark “Marama” Tokong, na kilala bilang King of Cloud 9, gayundin sina Jayuard Alciso at Mara Lopez.

Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 38, itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang NST-IAC upang mas mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na mag-host ng malalaking palaro sa buong mundo.

Layunin nitong pag-isahin ang mga programa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para mapaunlad ang sports tourism, makalikha ng trabaho, makahikayat ng pamumuhunan at magbigay ng dagdag na kita sa mga lokal na komunidad.

Para naman kay Philippine Sports Ambassador William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, magandang pagkakataon ang torneo upang makita ng mundo ang kakayahan ng mga Pilipino sa surfing.

“Matagal nang naririto ang mga alon. Matagal na ring naririto ang talento,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, pagkakataon ang pagdating ng WSL Championship Tour upang maipakita sa buong mundo na kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa mga kilalang surfing destination.

“Hindi malilimutan ang Siargao,” aniya.

Ayon kay Gregorio, kapag pinagsama ang isang world-class na palaro at isang kilalang destinasyon, mas maraming tao ang magkakaroon ng interes na bumisita at tuklasin ang ganda ng bansa.

Unang pagkakataon na magho-host ang Pilipinas ng WSL Championship Tour, ang pinakamataas na antas ng kompetisyon sa surfing. Kabilang ito sa mga kinikilalang pandaigdigang sporting event, gaya ng Formula 1 Grand Prix, apat na Grand Slam tournament sa tennis, FIFA World Cup at Tour de France.

Inaasahang hindi lamang karangalan ang maidudulot ng torneo sa Siargao. Maaari rin itong magbukas ng mas maraming oportunidad sa turismo, negosyo at trabaho, bukod sa pagpapalakas ng mga pasilidad sa isla.

Naging katuwang sa paghahanda ang PSC, PAGCOR, Department of Tourism at iba pang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor, kabilang ang DPWH, TIEZA, NEA at SIARELCO, DILG, DBM, CAAP, DOTr, Philippine Air Force, Philippine Ports Authority, Philippine Airlines, TCP at SDMI.

Nanguna rin sa paghahanda ang mga lokal na opisyal na sina Surigao del Norte Governor Lyndon Barbers, General Luna Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Doc Minmin Sajulga, na nagnanais na higit pang makilala ang Siargao bilang pangunahing destinasyon para sa sports tourism.

“Makakabilang sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng surfing sa Pilipinas ang pagho-host na ito. Ang pagdating ng Championship Tour ay magbubukas ng bagong kabanata para sa sport sa bansa,” ani Gregorio.

Pinasalamatan din niya sina WSL Chief Executive Officer Ryan Crosby at WSL Asia Pacific President Andrew Stark sa pagtitiwala sa kakayahan ng Pilipinas at sa pagpili sa Siargao bilang host ng makasaysayang torneo.

“Gawin natin itong inspirasyon para sa bagong henerasyon ng mga atleta. Nawa’y makilala ng mundo hindi lamang ang ating mga alon, kundi pati ang pangarap, pagsisikap at puso ng mga Pilipino,” dagdag ni Gregorio. (PSC/HNT)