9 Pinoy athletes, sasabak sa Dakar Youth Olympics!

POC Youth Olympic Games YOG Dakar Senegal

MANILA — Siyam na batang atletang Pinoy ang magtatagisan ng galing at lakas sa ikaapat na edisyon ng Youth Olympic Games (YOG) sa Dakar, Senegal, mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 13.

Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, ang mga kabataang atleta ang susunod na magbibigay ng karangalan sa bansa sa pandaigdigang entablado, gaya ng mga Olympic gold medalist na sina Hidilyn Diaz-Naranjo at Carlos Yulo.

“Future Olympians at world champions ang mga ito,” pahayag ni Tolentino, na umaasang magsisilbing tulay ang Dakar YOG upang masundan ng mga kabataan ang yapak ng mga nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas.

Kabilang sa mga pambato ng bansa si Pi Durden Wangkay sa men’s 200 meters at Naomi Marjorie Caesar sa women’s 800 meters para sa athletics.

Sa aquatics naman, sasabak sina Jamesray Mishael Ajido sa men’s 100-meter butterfly at Riannah Chantelle Coleman sa women’s 100-meter breaststroke.

Magpapakitang-gilas din si Maritanya Krog sa women’s road race at individual time trial ng cycling, habang sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III ang kakatawan sa artistic gymnastics.

Kukompleto sa siyam na atleta sina Angel Polo sa women’s Taijiquan combined ng wushu at Jade Justiniane sa windsurfing ng sailing.

Si Mr. Rocky Samson Secretary General ng Philippine Taekwondo Association ang itinalagang Chef de Mission ng delegasyon ng Pilipinas sa torneo.

Ang Dakar edition ang kauna-unahang Olympic event na idaraos sa lupain ng Africa. Nauna nang ginanap ang YOG sa Singapore noong 2010, Nanjing, China noong 2014, at Buenos Aires, Argentina noong 2018.

Kasunod ng magandang kampanya ng Pilipinas sa ika-20 Asian Games sa Aichi-Nagoya, kung saan nakasungkit ang bansa ng apat na ginto, siyam na pilak at 16 na tansong medalya. Pagkatapos nito, sasabak ang mga pambato ng bansa sa Asian Indoor and Martial Arts Games sa Riyadh, Saudi Arabia, mula Disyembre 13 hanggang 21.

Dalawang medalya pa lamang ang naiuuwi ng Pilipinas sa kasaysayan ng YOG. Nasungkit ni Luis Gabriel Moreno ang ginto sa mixed international team event ng archery kasama si Li Jiaman ng China sa Nanjing noong 2014, habang nagwagi naman ng pilak si Christian Tio sa boys’ twin-tip racing ng kiteboarding.

Tinatayang 2,700 atleta mula sa mahigit 200 National Olympic Committees, kabilang ang Youth Refugee Olympic Team, ang maglalaban-laban sa 25 sports at lalahok sa 10 engagement sports. (POC/HNT)