Laguna Gov. Aragones hinainan ng kasong graft dahil sa chemo center

Sol Aragones

MULING nahaharap ng bagong kasong graft sa Office of the Ombudsman (OMB) si Laguna Governor Sol Aragones kaugnay sa pagpapatakbo ng isang chemotherapy center nang walang permiso mula sa Department of Health (DOH), sa pampublikong ospital ng lalawigan.

Pinangunahan ni Jonel Osio, dating supervising administrative officer ng Laguna Medical Center, ang paghahain ng reklamo, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Karla Adajar-Lajara at Lorenzo Zuñiga.

Ikaapat na reklamo ito na inihain laban kay Aragones sa Ombudsman.

Ani Zuñiga, ang patuloy ang pag-0-operate ng chemotherapy clinic nang walang lisensiya mula sa DOH ay malinaw na paglabag sa administrative order ng DOH 2022-012.

Naglabas na ng cease and desist order ang DOH nitong 7 Setyembre 2026 para sa chemotherapy center na nilagdaan ni Engr. Annette Tan ng Department of Health (DOH).

Bukod kay Aragones, kabilang sa mga kinasuhan sina Dr. Jose Odilon Inoncillo, Dr. Hannah Alcala, at mga opisyal ng isang pribadong medical group.

Samantala, ayon kay Aragones, wala pa siyang natatanggap na opisyal na kopya ng reklamo ngunit napansin niyang halos parehong grupo ang mga nagrereklamo at sunod-sunod na naghahain ng kaso laban sa kaniya.

Idinagdag ng Gobernadora, halatang political harassment ang lahat dahil halos pare-pareho ang complainant sa sunod-sunod na reklamo.

Inihayag ng chemo center na tinukoy sa reklamo na wala silang ginagamit na anumang pondo mula sa pamahalaang panlalawigan at handa silang humarap sa anumang imbestigasyon. (ALMAR DANGUILAN)