MANILA, Philippines — Mula sa pagiging pinakamababang seeded pair hanggang sa pagpasok sa semifinals! Gumawa ng kasaysayan ang pambato ng Pilipinas na sina Danna Abad at Joshea Malazarte matapos makapasok sa final four ng women’s padel sa 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026.
Bilang pinakabatang pares ng Team Padel Pilipinas, hindi naging hadlang kina Abad at Malazarte ang pagiging No. 23 seed o pinakamababang puwesto sa 23 pares na naglaban sa torneo. Sa halip, ipinamalas nila ang bangis at tibay ng mga Pinay matapos makalusot sa tatlong sunod na yugto ng kompetisyon.
Idinaos ang kauna-unahang padel competition sa kasaysayan ng Asian Games sa Higashi Sports Center mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 3, kung saan nagtipon ang mga kinatawan ng 13 bansa sa Asya.
“Malaking hakbang para sa padel sa Pilipinas ang pagsali sa Asian Games. Ipinakita ng ating mga atleta na kaya nilang makipagsabayan sa pinakamahuhusay sa Asya,” pahayag ni Padel Pilipinas president Jeff Cheng.
Agad na nagpakawala ng matinding ratsada sina Abad at Malazarte sa kanilang unang laban matapos tambakan, 6-1, 6-0, ang Saudi Arabian tandem nina Samaher Alkurdi at Lina Alabdullatif.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang Pinoy pair. Pinataob nina team captain LA Cañizares at Jason Tamayo ang Indonesia, 6-1, 6-4, habang dinaig naman nina Tao Yee Tan at Marian Capadocia ang Kazakhstan sa dikdikang three-set match, 6-3, 2-6, 6-2.
Lalong uminit ang kampanya ng Pilipinas sa Round of 16 nang muling magwagi sina Abad at Malazarte kontra Hong Kong, 6-1, 6(5)-7, 6-3. Sinundan ito nina Cañizares at Tamayo na winalis din ang kanilang katunggaling Hong Kong pair, 6-2, 6-2.
Gayunman, natapos ang kampanya nina Tan at Capadocia matapos yumukod sa isa pang pares ng Hong Kong, 7-5, 4-6, 4-6. Hindi rin nakalusot sina Abdulqoahar Allian at Raymark Gulfo matapos mabigo sa United Arab Emirates.
Lalong pinatunayan nina Abad at Malazarte na hindi aksidente ang kanilang pag-arangkada nang pabagsakin ang Iranian duo nina Saba Najafi Dehaghi at Neda Mohammad Taghipour, 6-2, 3-6, 6-2, sa quarterfinals upang makausad sa semifinals.
Samantala, hindi na nakasunod sa yapak ng kanilang kababayang Pinay sina Cañizares at Tamayo matapos matalo sa Malaysia, 3-6, 6-3, 3-6, sa quarterfinals.
Sa kabila nito, nakasentro ang atensiyon sa makasaysayang pagpasok nina Abad at Malazarte sa final four. Tinalo nila ang mas matataas ang ranggong kalaban bago makasama sa huling apat ang tatlong nangungunang pares mula sa Japan at Indonesia.
Sa semifinals, nakaharap ng Pinay tandem ang Indonesian pair nina Fadona Kusumawati at Fitriani Sabatini. Matapos mabigo, muling sumabak ang dalawa sa laban para sa bronze medal kontra kina Novela Putria at Beatrice Gumulya ng Indonesia, ngunit nagtapos sa ikaapat na puwesto.
Bagama’t hindi nakasungkit ng medalya, makasaysayan ang naging kampanya nina Abad at Malazarte na nagpakitang may kakayahan ang mga Pilipino na makipagsabayan sa mga higante ng padel sa Asya.
Ayon kay Padel Pilipinas secretary general Duane Santos, ipinagmamalaki nila ang ipinakitang tibay at determinasyon ng buong koponan sa Nagoya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalawak ng grassroots programs, maagang pagsasanay sa mga kabataang atleta at pagbibigay ng mas maraming pagkakataong makalahok sa mga kompetisyon.
Samantala, ikinatuwa rin ni Senador Pia Cayetano, competitive padel player at founder ng Padel Pilipinas, ang naging performance ng pambansang koponan sa unang pagsabak ng sport sa Asian Games.
Aniya, ipinakita ng mga atleta na kayang makipagtagisan ng Pilipinas sa antas-Asya sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay at sapat na suporta sa national team.
Pinangunahan ni head coach Bryan Casao ang coaching staff, kasama sina Coach Tomás Vasco, mental performance coach Ayel Estrañero, strength and conditioning coach Jaric Lavalle at Coach Eric Marquez.
Sa makasaysayang kampanyang ito, nag-iwan ng matibay na marka ang Team Padel Pilipinas sa entablado ng Asya. At sa pangunguna nina Abad at Malazarte, malinaw ang mensahe: hindi pa rito nagtatapos ang laban ng padel ng Pilipinas. (PIA/HNT)
