MANILA, Philippines — Muling maghaharap ang mga pinakamahusay na manlalaro ng bilyar mula sa Asya at iba’t ibang panig ng mundo sa 2026 Roobet Reyes Cup na gaganapin sa Makati Coliseum sa Oktubre 15 hanggang 18.
Sa ginanap na press conference sa Jusi Room ng Holiday Inn & Suites Makati nitong Oktubre 14, nagtipon ang mga organizer, team captain at mga beteranong manlalaro upang ipakilala ang kani-kanilang koponan bago ang apat na araw na labanan.
Hangad ng Team Asia na maipagtanggol ang korona, ngunit determinado rin ang Team Rest of the World na maagaw ang titulo sa pangunguna ng bagong kapitan nitong si Ralf Souquet, ang beteranong kampeon mula Germany.
Ayon kay Matchroom Multi Sport CEO Emily Frazer, ikinagagalak nilang muling idaos sa Pilipinas ang torneo dahil sa matinding suporta at pagmamahal ng mga Pilipino sa bilyar.
Sinabi niyang kakaiba ang sigla ng mga tagahanga sa Maynila at inaasahang mas magiging kapana-panabik ang paligsahan ngayong taon, kasabay ng patuloy na paglawak ng World Nineball Tour sa iba’t ibang bansa.
Nagpahayag din ng kasiyahan si Aristeo “Putch” Puyat ng Puyat Sports sa pagkakataong maihatid sa bansa ang mga nangungunang manlalaro ng bilyar sa mundo.
Para kay Puyat, malaking karangalan ang pagho-host ng Pilipinas sa naturang torneo at pagkakataon din ito upang muling maipakita ang husay ng mga Pilipino at ang matibay na suporta ng mga tagahanga sa cue sports.
Sa panig ng Team Rest of the World, determinado si Souquet na wakasan ang paghahari ng Team Asia. Aniya, malaki ang respeto nila sa nagawa ng kanilang katunggali, ngunit handa ang kanyang koponan na lumaban at subukang agawin ang titulo.
Ang Team Rest of the World na pamumunuan ni Souquet. Kasama niya sa koponan ang mga kinikilalang haligi ng pandaigdigang bilyar na sina Francisco Sánchez Ruiz ng Europa, Shane Van Boening ng Amerika, Joshua Filler, Fedor Gorst, at Aleksa Pecelj.
Kabilang sina Sánchez Ruiz at Van Boening sa mga napiling kinatawan batay sa kanilang ranggo bilang pinakamataas na European at American player sa kani-kanilang kategorya.
Hindi naman nagpatinag si Team Asia captain Francisco “Django” Bustamante, na nangakong gagawin nila ang lahat upang mapanatili sa kanilang panig ang kampeonato.
Umaasa si Bustamante sa lakas ng kanyang mga kasamahan at sa suporta ng mga kababayang manonood upang malagpasan ang pressure at maipagtanggol ang kanilang korona.
Ang Team Asia, makakasama ni Bustamante ang mga Pinoy na sina Carlo Biado, ang pinakamataas ang ranggong Pilipinong kalahok, at AJ Manas. Kabilang din sa koponan sina Robbie Capito, ang pinakamataas ang ranggong non-Filipino player sa Team Asia, Duong Quoc Hoang ng Vietnam, at Albert Januarta.
Lalo pang magiging makulay ang torneo sa presensiya ng billiards legend na si Efren “Bata” Reyes, na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga bagong henerasyon ng mga manlalaro.
Sa loob ng apat na araw, inaasahang magiging maigting ang labanan sa bawat tira at bawat rack habang kapwa magsisikap ang dalawang koponan na makuha ang karangalan. (HNT)
