PANSAMANTALANG ipinatigil ang operasyon ng isang bagong establisimiyento sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan, dahil walang kaukulang permiso upang mag-operate mula sa pamahalaang lokal.
Nagbukas ang Piso-Piso Bundle Warehouse sa J.P. Rizal St., Brgy. Dulongbayan, nitong Sabado, 10 Oktubre, kung saan dinagsa ng halos 1,000 katao na nagnanais makakuha ng malaking diskuwento sa kanilang mga ipamimili.
Dahil sa biglaang pagdagsa ng mga kostumer, nagresulta ito sa malubhang trapiko sa nabanggit na bayan kaya nagbigay ng police security assistance ang Sta. Maria MPS na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Mark Louie Sigua.
Sa kahilingan ng pamunuan, dakong tanghali ng araw din na iyon ay pansamantalang isinara ang bodega upang maiwasan ang pagsisikip at posibleng hindi inaasahang mga insidente.
Dakong 3:00 ng hapon ay nagsagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan mula sa Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria at napag-alamang walang kaukulang License to Operate ang establisimiyento.
Dahil dito, ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang pansamantalang pagtigil sa mga operasyon nito habang nakabinbin ang pagsunod sa mga kinakailangang permit at lisensya.
Pansamantalang isinara ang bodega nitong Linggo, 11 Oktubre, upang maasikaso ng mga namamahala ang mga napinsala sa warehouse dulot ng pagdagsa ng mga tao kasunod ang paghingi nila ng paumanhin sa publiko.
Patuloy na minomonitor ng mga kinauukulang tanggapan ang sitwasyon para sa kapakanan ng publiko at pinapaalalahanan ang lahat na humanap ng alternatibong ruta kung kinakailangan.
Ang Sta. Maria MPS ay nananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko, kapayapaan at kaayusan, at sa pagbibigay ng naaangkop na tulong sa lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga naaangkop na batas, ordinansa, at regulasyon. (MICKA BAUTISTA)
