INIUTOS ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) na isauli sa mga customer nito ang kabuuang P2.64 bilyon nang matukoy na lumampas ang nakolekta nitong distribution charges para sa Enero hanggang Hunyo 2026.
Sa pahayag ng ERC, katumbas ito ng average refund na P0.1020 kada kilowatt-hour (kWh) na ipatutupad sa loob ng anim na buwan. Mas maikli ito kaysa 12-buwang refund period na unang iminungkahi ng Meralco.
Ayon sa Komisyon, matapos ang pagsusuri sa aktuwal na kita at benta ng koryente ng Meralco, lumabas na nakakolekta ng mas mataas kaysa aprobadong distribution rate.
Matapos ang mga kinakailangang adjustment, umabot sa P2.64 bilyon ang dapat ibalik sa consumers.
Lalabas ang refund bilang hiwalay na item sa buwanang bill na may label na “AWAT (Refund)/Collect.”
Ayon kay ERC Chairperson at CEO Atty. Francis Saturnino Juan, layunin ng hakbang na mabigyan ng mas mabilis na ginhawa ang mga konsumer sa gitna ng nananatiling mataas na presyo ng koryente.
Sa kabila nito, inilinaw ng ERC na pansamantala pa ang refund amount at maaari pang mabago depende sa resulta ng mga pagdinig at pinal na ebalwasyon ng komisyon. Patuloy nitong imino-monitor ang implementasyon ng refund hanggang maibalik nang buo ang halaga sa mga customer.
