NATAGPUAN ng mga awtoridad ang sari-saring produktong pampasabog sa isang basurahan sa Brgy. West Crame, lungsod ng San Juan, nitong Lunes ng umaga, 12 Oktubre.
Pahayag ni San Juan CPS Chief P/Col. Anthony Gantang, kabilang sa natagpuan sa naturang lugar ang training grenade, dummy rifle grenade, at mga basyo ng bala.
Gayundin, inilinaw ni P/Col. Gantang na wala nang lamang pulbura ang mga natagpuang pampasabog na maaring magdulot ng banta sa kaligtasan sa paligid.
Unang nadiskubre ang mga pampasabog ng isang nangangalakal sa nabanggit na residential area na 300-400 metro ang layo mula sa headquarters ng Philippine National Police sa Camp Crame.
Agad iniulat sa barangay at pulisya ang insidente na mabilis na nirespondehan ng San Juan Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng EOD ang mga nadiskubreng pampasabog.
Samantala, sinusuri ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV upang matukoy kung sino ang nagtapon nito.
Ani P/Col. Gantang, bagaman hindi mapanganib ang mga natagpuang produkto, maaari pa rin itong magdulot ng takot sa publiko.
