Erpat ‘kinatay’ ng ermat, 3 anak kinasabwat

Knife Blood

HINDI pa batid kung ano ang sukdulang nagbunsod sa karumal-dumal na kamatayan ng isang padre de familia sa kamay ng sariling asawa at ina ng mga anak matapos siyang tadtarin ng saksak sa gitna ng kanilang matinding pag-aaway na nasaksihan ng tatlo nilang anak ngunit itinago ang krimen sa loob ng kanilang tahanan sa San Nicolas 3, Bacoor City, kamakalawa.

Hindi tinukoy ng Bacoor City Police ang pagkakilanlan ng pinaslang na padre de familia, na maraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kanyang ikinamatay.

Dinakip ng pulisya ang misis, kinilalang si alyas Marlyn, 62 anyos; at ang tatlong anak na sina Margie, 24 anyos; Marlon, 38, at Candy, 33; pawang residente sa Bagong Silangan, Brgy. San Nicolas 3, ng nasabing lungsod sa Cavite.

Nabatid sa ulat ng pulisya, tanghali ng 11 Oktubre nang matanggap nila ang report hinggil sa insidente na naganap dakong 8:00 ng umaga nitong Linggo.

Nang magresponde ang mga pulis sa lugar, inabutan nila ang duguang katawan ng biktima na nakasubsob sa kama at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga imbestigador, nabatid na dakong 8:00 ng umaga nang magtalo ang mag-asawa na nauwi sa malagim na krimen.

Sinabi ng mga kapitbahay, narinig nila ang malalakas na sigawan at kalabugan sa loob ng bahay ng mag-asawa habang sila ay nag-aaway.

Lumalabas sa imbestigasyon, nasaksihan ng tatlong nabanggit na anak ang pag-aaway ng kanilang mga magulang na humantong sa pagpatay sa kanilang ama ng kanilang ina ngunit hindi sila nagsumbong sa mga awtoridad.

Depensa ng mga anak sa pulisya, tinakot sila ng kanilang ina at pinagbantaan kaya sila nanahimik sa insidente.

Matapos ang ginawang pagpatay sa mister, nagawa pang labhan ng ginang ang mga damit na may mga bahid ng dugo upang maitago ang ginawang krimen.

Nahaharap sa kasong Parricide ang mag-iina na nakakulong ngayon sa Bacoor Police Station.