NAGSAGAWA ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaking sangkot sa pagnanakaw sa isang Korean national sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat mula kay P/Col. Robert Domingo, Officer-In Charge ng Angeles CPS, dakong 8:30 ng gabi nitong Sabado, 10 Oktubre, nasakote ng mga tauhan ng Angeles CPS, CIU, CIDMU, RSOG3, Regional RID3, at RIDMU3 ang isang 38-anyos lalaking residente sa Brgy. Amsic, sa nabanggit na lungsod.
Sangkot ang suspek sa insidente ng robbery-holdup na naganap dakong 5:55 ng umaga ng parehong araw sa loob ng JM Lodge sa Batangas St., Brgy. Balibago, kung saan nabiktima ang isang 41-anyos negosyanteng Korean national.
Nakompiska sa operasyon ang isang Glock 22 Gen 5 caliber .40 pistol na may magazine na naglalaman ng siyam na bala, isang hand grenade, lahat ay natagpuan sa loob ng isang sling bag.
Nakuha ng mga awtoridad ang isang itim na EVO helmet, isang abuhing HNJ helmet, berdeng pantalon, isang puting jersey sando, at isang itim na jacket na sinasabing suot ng suspek sa insidente ng krimen.
Nakompiska rin ang isang itim na NMAX V2 motorcycle, na pinaniniwalaang ginamit bilang getaway vehicle kung saan natagpuan sa compartment nito ang cellphone at bag ng biktima.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso. (MICKA BAUTISTA)
