UMABOT sa 41,000 (41 kilo) ng hinihinalang ilegal na droga, tinatayang nagkakahalaga ng P278.8 milyon ang nasamsam mula sa isang indibiduwal sa isang buy-bust operation sa Arca Street, Barangay Mabolo, Cebu City dakong 7:18 ng umaga nitong Sabado, 10 Oktubre 2026.
Isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 7 (PDEA 7), katuwang ang Philippine National Police – Drug Enforcement Group Special Operating Unit (PNP-DEGSOU), Naval Forces Central, at Cebu City Police Office Station 4, sa Arca Street, Barangay Mabolo, Cebu City ang naturang buybust.
Itinuturing na ang nasabing operasyon ang pinakamalaking huli ng droga sa Central Visayas mula noong 2016.
Tinukoy ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang naarestong suspek bilang isang alyas Erwin, 30 anyos, isang motor taxi driver, residente sa Barangay Basak Pardo, Cebu City.
Narekober sa operasyon ang 41 vacuum-sealed na plastic pack, naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 41,000 gramo at tinatayang halagang P278,800,000, kasama ang buybust money, isang cellphone, isang sasakyan, at iba pang ebidensiya.
Dinala ang mga ebidensiyang droga sa laboratoryo ng PDEA 7 sa Lahug, Cebu City para sa kustodiya at eksaminasyon.
Sasampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa Section 5 (Pagbebenta ng Mapanganib na Droga) at Section 11 (Pagmamay-ari ng Mapanganib na Droga), sa ilalim ng Article II ng Republic Act No. 9165, kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; ang parusa sa mga nasabing paglabag ay maaaring umabot sa habambuhay na pagkabilanggo at multa na hanggang P10,000,000.
Makikipag-ugnayan ang PDEA 7 sa korte at gagawin ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang agarang pagpuksa sa mga nakompiskang droga kapag naaprobahan ng korte. (ALEX MENDOZA)
