HATAW News Team
PATAY ang isang hard-hitting block-time radio broadcaster matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa bayan ng Daraga, lalawigan ng Albay, nitong Lunes ng hapon, 12 Oktubre.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Adrian Loterte, kilala bilang si “Golden Boy” ng kaniyang mga tagapakinig sa kanyang programang Rabas Cun Rabas sa .
Binaril si Loterte habang nasa loob ng kanyang bakery sa Sto. Cristo St., Brgy. San Roque, sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Police Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, Bicol police spokesperson, agad dinala ang biktima sa pagamutan upang mabigyan ng atensiyong medikal dahil sa mga tama ng mga bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ngunit hindi nakaligtas at idineklarang patay dakong 5:35 pm.
Iniulat na ang mga suspek, sakay ng black-and-white Honda Click motorcycle, ay sumibat patungong Barangay Kimantong.
Isang araw bago paslangin si Loterte, mainit niyang tinatalakay ang operasyon ng e-Sabong sa kanilang lugar na sinabing mahigpit na ipinagbabawal sa lalawigan.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at manhunt operation ang pulisya upang matunton at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Inihayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Albay chapter at ng kanilang Media Safety Office na nangangalap sila ng impormasyon kaugnay ng pagpaslang kay Loterte.
