
ni Almar Danguilan
NALUTAS agad sa loob ng isang oras ng Quezon City Police District (QCPD) ang pamamaril at pagpaslang sa tatlo katao, kabilang ang isang menor de edad makaraang madakip ang salarin sa isinagawang follow-up operation, sa Barangay Batasan Hills ng lungsod kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kay QCPD Acting District Director, PBrig. Gen. Christopher Olazo, mula sa Batasan Hills Police Station 6 na pinamumunuan ni PLt. Col. Gemmer Tubiera, nadakip ang suspek na si alyas Vin, miyembro ng QC Task Force Disiplina, sa isinagawang follow-up operation dakong 3:00 ng madaling-araw sa Sinagtala St., Brgy. Batasan Hills makaraan ang isang oras nang mangyari ang krimen sa kanto ng Senatorial St., at Batasan-San Mateo Road, Barangay Batasan Hills, QC dakong 2:00 ng madaling-araw kahapon, 12 Oktubre 2026.
Napatay sa insidente ang isang 15-anyos menor de edad na lalaki, isang 18 anyos, at isang 19 anyos, parehong lalaki. Ang tatlong biktima ay pawang residente sa Barangay Batasan Hills.
Sa imbestigasyon, sinita ng suspek na hinihinalang nakainom, ang mga biktima dahil dis-oras na raw ng gabi ay nasa labas pa sila. Nasa labas ang mga biktima para bumili ng pagkain.
Tinutukan ng suspek ng baril ang mga biktima na papalayo na sa kanya ngunit, sinundan pa rin sila ng suspek at saka pinaputukan. Isa sa biktima ay may tama ng bala sa ulo, isa sa dibdib, at isa naman sa tagiliran. Namatay ang tatlo sa pinangyarihan ng krimen. Habang may dalawa pang magkaibigan na biktima ang nakatakbo mula sa suspek at nakaligtas.
Mabilis na tumakas ang suspek pero makalipas ang isang oras ay nadakip ng mga nagrespondeng tauhan ng Batasan Police Station 6.
Narekober mula sa suspek ang isang baril na rebolber at mga bala. Nakatakdang kasuhan si Vin sa QC Prosecutor’s Office.
Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang pulisya kaugnay ng motibo ng krimen.
Nagpaabot ang pamunuan ng QCPD ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima,
“The QCPD remains steadfast in its commitment to protect the community, uphold the law, and pursue justice for the victims and their families,” pahayag ng pamunuan ng QCPD.
