SAN JUAN CITY — Umabante sa Finals ng 2026 V-League Collegiate Challenge ang Adamson University matapos walisin ang University of the East, 25-21, 25-17, 25-20, nitong Sabado sa FilOil Centre.
Sa kanilang pagsungkit sa puwesto sa Finals, muling inilapit ng Lady Falcons ang kanilang sarili sa pagtatanggol ng kampeonato. Makakaharap nila ang University of Santo Tomas Tigresses sa best-of-three Finals series na magsisimula sa Miyerkules, Oktubre 7, sa parehong venue.
Naging mahalaga sa Adamson ang pagbabalik sa starting lineup ni team captain at Alas Pilipinas hopeful Shaina Nitura, na naging bahagi ng matagumpay na pagtatapos ng koponan sa loob lamang ng tatlong set.
Pinairal ng Lady Falcons ang mahusay na depensa sa net at sa likod ng court upang mapigilan ang mga pagtatangka ng Lady Warriors na makalamang. Mula sa mga unang set, naging susi ang kanilang depensang nagbigay-daan upang mabawi ang mga kalamangan ng UE at tuluyang makontrol ang laro.
Nanguna si Frances Mordi sa opensa ng Adamson matapos magtala ng 14 puntos, lahat mula sa attacks. Sinundan siya nina Lhouriz Tuddao at Eloi na may 12 at anim na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Malapit naman si Nitura sa triple-double matapos magtala ng 13 attack points, siyam na excellent receptions at 15 digs sa kanyang unang buong laro matapos ang kanyang pagbabalik sa lineup.
Sa kabila nito, higit na ipinagmalaki ng team captain ang ipinakitang pagtutulungan ng kanyang mga kasamahan habang siya ay hindi pa nakapaglalaro sa mga nakaraang laban.
“Happy ako kasi collectively binubuhat talaga nila ’yung team. Bawat posisyon may ginagawa talaga at gusto talaga nilang manalo. Nagbubunga na rin ’yung investment namin sa sarili namin: ’yung pagod, ’yung iyak, ’yung hirap sa mga past tournaments namin,” ani Nitura.
Para kay head coach JP Yude, mahalagang maipakita ng kanyang mga manlalaro sa Finals ang kanilang kakayahang isabuhay ang mga natutuhan sa ensayo, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng mabilis at maayos na pagtugon sa pressure.
“One thing is talagang ’yung application ng aming mga ginagawa sa training, on how we study the opponents and on how we apply it during the game. And then, ’yung response talaga during pressure moments,” ani Yude.
“I know the capabilities of my players, pero sa mga pressure and bad situations, do’n talaga masusukat ’yung character nila. ’Yun talaga ’yung gusto ko pang ma-develop sa kanila,” dagdag niya.
Hindi naging madali para sa Adamson ang unang set matapos makasabay ng UE sa iskor. Gayunman, nakabawi ang Lady Falcons sa mga huling sandali matapos ang magkakasunod na back-row kills ni Mordi mula sa mga set ni Fhei Sagaysay, na nagbigay sa kanila ng 22-21 kalamangan.
Naging mahalaga rin ang isang block ni Dote at attack error ng UE upang makuha ng Adamson ang set point. Tuluyang isinara ni Janna Dizon ang unang set sa pamamagitan ng service ace.
Sa ikalawang set, agad na nakabuo ng 13-8 kalamangan ang Lady Falcons, sa pangunguna nina Nitura at Tuddao na naging epektibo sa kanilang mga palo.
Sinubukan nina Van Bangayan at Bea Zamudio na ibalik ang UE sa laro, ngunit hindi na pinayagan ng Adamson ang Lady Warriors na makabawi. Nakamit ng Lady Falcons ang 2-0 kalamangan bago tuluyang tapusin ang laban sa ikatlong set.
Walang manlalaro ng UE ang nagtala ng double figures. Nanguna si Edcynth Brago sa siyam na puntos, habang nagdagdag sina Bangayan at Zamudio ng anim at walong puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, makakaharap ng Lady Warriors ang Arellano University Lady Chiefs sa laban para sa bronze medal sa Miyerkules. (PVL/HNT)
