NANAWAGAN si AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na agad kumilos upang tugunan ang patuloy na pagkalugi ng mga lokal na magbababoy, na aniya’y pinalalala ng ‘unlimited importation’ ng frozen meat sa bansa.
Sinabi ni Briones, nais niya maipabatid ang tunay na kalagayan ng mga magbababoy sa buong bansa sa kasaluyan na bumabagsak ang presyo ng lokal na baboy habang patuloy ang pagpasok ng imported pork, dahilan upang mahirapan ang mga hog raiser na mabawi ang kanilang puhunan at nahihirapang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Ayon sa mambabatas, nasa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy sa ilang lugar, habang umaabot sa P180 hanggang P190 kada kilo ang production cost.
Tinataya ni Briones na umaabot sa P250 milyon kada araw ang kabuuang lugi ng mga hog raiser sa buong bansa dahil sa kasalukuyang sitwasyon.
At isa sa pangunahing panawagan ni Briones, ang agarang pagtataas ng tariff sa imported pork mula sa kasalukuyang 15% para sa in-quota imports at 25% para sa out-quota imports, tungo sa 30% at 40%, ayon sa pagkakasunod.
Nais ni Rep. Briones na gawin ito sa pamamagitan ng Executive Order imbes hintayin ang nakatakdang phased increase.
Ang panawagan ay mas mabilis kaysa kasalukuyang rekomendasyon ng Department of Agriculture.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, iminungkahi ng DA na itaas ang tariff sa 25% para sa in-quota at 35% para sa out-quota imports sa 2027, bago ibalik sa 30% at 40% sa 2028.
Kasabay nito, sinabi ng DA na tumaas ng 6% ang lokal na hog production sa unang kalahati ng 2026, ngunit kasabay din nito ang mataas na pork imports at inventories.
Bumagsak ang farmgate price mula P215 kada kilo noong Hunyo 2025 hanggang P150 kada kilo noong Agosto 2026.
Para kay Briones, hindi na dapat hintayin ang phased increase at dapat din suriin ang paggamit ng mekanismo sa ilalim ng Republic Act No. 8800 o Safeguard Measures Act.
Bukod sa agarang tariff hike, anim na hakbang ang isinusulong ni Briones upang maprotektahan ang lokal na industriya:
Una, agarang itaas ang tariff sa imported pork sa 30% in-quota at 40% out-quota sa pamamagitan ng Executive Order.
Ikalawa, ipatupad sa imported pork ang mga patakaran at regulasyong ipinapataw sa lokal na pork, kabilang ang local shipping permits at testing para sa African Swine Fever (ASF) at iba pang animal diseases.
Ikatlo, itulak ang reclassification ng pork jowls at itaas ang kasalukuyang 10% tariff nito upang iayon sa 25% tariff para sa meat of swine.
Ang Tariff Commission ay kasalukuyang may imbestigasyon sa petisyon para sa tariff modification ng frozen pork jowls.
Ikaapat, ilathala ang aktuwal na transaction values ng imported pork at gamitin bilang reference values upang maiwasan ang undervaluation.
Ikalima, limitahan ang pag-iisyu ng import permits para sa mechanically deboned meat (MDM) sa mga lehitimong meat processors lamang.
Ikaanim, ilagay sa red lane ang imported pork offals upang sumailalim sa masusing inspeksiyon at mapalakas ang kampanya laban sa technical smuggling.
Nanawagan si Briones kay Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na paigtingin ang kampanya laban sa technical smuggling, partikular ang misdeclaration, misclassification, at undervaluation ng imported meat.
Ayon kay Briones, kailangan masusing bantayan ang mga shipment upang matiyak na tama ang deklarasyon, classification, at halaga ng mga produktong ipinapasok sa bansa.
Binanggit ni Cong. Nikki ang pagkakakompiska sa halos 20 toneladang karne sa Marikina, gayundin ang alegasyon na may ilang hindi ligtas na karne na hinuhugasan umano ng tawas bago muling ibenta.
Ang mga pahayag na ito ay alegasyon ni Briones at nangangailangan ng hiwalay na beripikasyon ng mga kinauukulang ahensiya.
Samantala, kinilala ng DA na kailangan ng mas mahigpit na kontrol sa imported pork.
Kabilang sa mga hakbang na iminungkahi ng hog industry ang time-bound restrictions sa imports, local shipping permits at testing para sa imported frozen meat, mas mahigpit na pagsusuri sa shipments na idinedeklara sa mababang tariff category, at paggamit ng updated reference values upang maiwasan ang undervaluation.
Sinabi ni Briones, bagama’t pangunahing nakatuon ang kanyang panawagan sa hog industry, apektado rin ang ibang livestock sectors, kabilang ang mga broiler sector.
Giit ng mambabatas, kailangan ang agarang aksiyon laban sa ‘unlimited importation’ upang mabigyan ng pagkakataon ang lokal na magbababoy na makabangon, maprotektahan ang kanilang kabuhayan at mapanatili ang lokal na produksiyon ng karne.
Kasabay nito, nananatiling usapin ang balanse sa pagitan ng proteksiyon sa lokal na producers at pagpapanatili ng sapat at abot-kayang suplay ng karne para sa mga mamimili.
Iniulat na may mga meat importer na tumututol sa mas mataas na tariff dahil sa pangambang tataas ang presyo at production costs. (NIÑO ACLAN)
