RATED R
ni Rommel Gonzales
INIHAHANDOG ng Viva One ang Filipino adaptation ng sikat na K-drama na Fight for My Way, isang milestone project ng streaming platform bilang kauna-unahang Korean series adaptation nito. Pangungunahan ang serye ng “Nation’s Mutya” at 2026 Manila International Film Festival Best Actress Ashtine Olviga at chinito heartthrob na si David Licauco, na magsasama bilang isang bago at exciting na tambalan na dapat abangan ng mga manonood.
Ang major adaptation na ito ay ang inaabangang pagbabalik ni Ashtine sa Viva One at ang unang malaking proyekto ni David sa platform. Mapapanood na sa Viva One simula November 20.
Ang Fight for My Way ay isang kwento ng mga ordinaryong taong lumalaban para sa kanilang mga natatanging pangarap. Umiikot ito sa dalawang matalik na magkaibigan, na orihinal na ginampanan ng Korean superstars na sina Park Seo-joon at Kim Ji-won bilang sina Dong-man at Ae-ra.
Nagkamit ang K-drama ng maraming parangal sa 2017 KBS Drama Awards na lalo pang nagpasikat sa mga bida nito. Naging pop-culture phenomenon din ito lalo na nang mag-viral ang “aegyo,” o cute acting scene, sa palabas. Sa Filipino adaptation, bibigyan ng bagong pangalan ang mga minahal na karakter bilang sina Hanz at Aira.
Pangarap ni Hanz na maging professional fighter, habang hangad naman ni Aira na maging TV announcer balang araw. Pero dahil sa problema sa pamilya at pera, isasantabi muna nila ang kanilang mga ambisyon. Sa pagharap nila sa hamon ng buhay at muling pagsubok na abutin ang kanilang mga pangarap, maaari kayang mauwi na ang kanilang pagkakaibigan sa pag-iibigan?
Ngayon, bibigyan ng bagong Filipino interpretation ang kwentong minahal ng mga manonood sa buong mundo, sa pangunguna ng ilan sa mga pinakahinahangaang young stars ngayon.
Bibida si Ashtine bilang ang determinado at palaban na si Aira, isang karakter na bagay sa kanyang likas na charm at personalidad. Sa kabila ng pagtatrabaho sa information desk sa isang department store, hindi pa rin sumusuko si Aira sa kanyang pangarap na maging TV announcer.
Tinaguriang “Nation’s Mutya,” patuloy na namamayagpag si Ashtine sa telebisyon, pelikula, at musika. Lalo siyang nakilala sa hit series na Ang Mutya ng Section E, at nagkaroon din ng sariling anthology na Viva One Originals: Ashtine.
Ginampanan niya ang lead role sa 2025 movie na Minamahal, na sinundan ng kanyang award-winning performance sa Manila’s Finest. Kamakailan, naging matagumpay ang kauna-unahang solo concert niyang Love Like Ashtine.
Gagampanan ni David ang karakter ni Hanz, isang masigasig na dating Taekwondo prodigy. Para makaraos sa buhay, nagtatrabaho siya bilang pest-control staff habang unti-unti niyang hinahanap ang daan pabalik sa ambisyon na maging atleta.
Kilala ng mga tagahanga bilang “Pambansang Ginoo,” sumikat nang husto si David dahil sa kanyang role na Fidel sa historical drama na Maria Clara at Ibarra. Ang kanyang pagganap ay naging daan para siya ay maging isa sa mga hinahangaang leading men ng industriya. Hindi lamang napansin ang kanyang screen presence, kundi pati na rin ang kanyang husay sa pag-arte.
Sa taglay na charisma at talent ni Ashtine at leading-man appeal ni David, bibigyan nila ng sariiling timpla ang Fight for My Way sa kanilang kauna-unahang pagsasama. Hatid nila ang panibagong Filipino flavor sa isa sa pinakaminahal na friends-to-lovers stories sa mundo ng K-drama.
Mas lalo pang magiging exciting ang serye sa bagong tambalan nina McCoy de Leon at Aubrey Caraan, na mapapanood bilang best friends ng mga karakter nina Ashtine at David. Sila rin ay gaganap na magkasintahan na magdaragdag ng kilig at drama sa serye. Silang apat ang bubuo sa “Crazy Fantastic Four” o apat na young adults na gagawin ang lahat para maabot ang kanilang career goals.
Si McCoy ay gaganap na Manny (Joo-man sa orihinal na serye), ang tinaguriang “brain” ng grupo na nagtatrabaho sa isang home shopping network. Kilala sa pagiging versatile na aktor at performer sa telebisyon at pelikula, patuloy na pinatutunayan ni McCoy ang husay sa mga award-winning project gaya ng Deleter at Salvageland.
Bibigyang-buhay ni Aubrey ang papel ni Seol-hee bilang si Sally, ang sweet at maaasahang kaibigan nina Aira at Hanz at loyal na partner ni Manny. Isang aktres at mang-aawit, nakilala si Aubrey sa kanyang role bilang Sam sa patok na University Series ng Viva One, gayundin sa pagganap sa Filipino adaptation ng Korean film na Sunny.
Ang Fight for My Way ay ididirehe ng award-winning filmmaker na si Crisanto B. Aquino, na kilala sa paglikha ng mga kapana-panabik at makabuluhang love stories. Siya rin ang direktor ng Viva One adaptations na Seducing Drake Palma at Dating Alys Perez.
Tampok ang kuwentong minahal ng marami, isang star-studded cast, at mga bagong tambalan na tiyak aabangan, handa na ang Filipino adaptation ng Fight for My Way na ihatid sa bagong henerasyon ang isang kwentong puno ng pangarap, pagkakaibigan, at pag-ibig.
Panoorin ang unang episode sa November 20 sa Viva One.
