NAGOYA, Japan — Winalis ng Sibol ang group stage at umabante sa quarterfinals ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) sa 20th Asian Games matapos itala ang malinis na 2-0 kartada nitong Martes sa Aichi Sky Expo Hall.
Unang nilampaso ng Pilipinas ang Jordan, 2-0, bago naman ginulat ang Kazakhstan sa parehong iskor na 2-0 para itaas ang kampanya sa Pool C.
“Masaya po, pero ’di pa rin kami magpapakampante kasi ’yung next namin na makakalaban is Indonesia, kaya need talaga namin mas galingan pa,” ani Karl “KarlTzy” Nepomuceno.
Bilang top team sa Pool C, sasalang ang Sibol kontra karibal na Indonesia sa quarterfinals sa Miyerkules, alas-11:50 ng umaga (oras sa Maynila).
Samantala, nakalusot din sa quarterfinals ang Sibol sa Identity V matapos pabagsakin ang Indonesia, 2-1.
Matapos matalo sa Game 1, 3-5, nag-adjust ang Pilipinas at bumawi sa Game 2, 5-3, bago tuluyang isinara ang serye sa dominanteng 7-2 panalo sa Game 3.
Tumapos ang Sibol sa ikatlong puwesto sa Pool A at haharapin ang top seed ng Pool B na Malaysia sa quarterfinals. (POC Media Pool/HNT)
