Bossong, tutuon sa susunod matapos ang 800m bronze

Victoria Bossom womens 800 meters Asian Games

NAGOYA, Japan — Masaya man sa pagkakapanalo ng bronze medal, aminado si Victoria Bossong na marami pa siyang kailangang matutunan matapos ang kanyang paglahok sa women’s 800 meters ng Aichi-Nagoya 20th Asian Games.

Sinabi ni Bossong na nais sana niyang maiuwi ang gintong medalya para sa Pilipinas, ngunit ibinigay niya ang lahat sa karera.

“I’m happy I was able to bring home a medal for the Philippines. I hope next time it’s a gold,” ani Bossong.

Hindi rin siya nasiyahan sa kanyang oras, na aniya’y pinakamabagal niyang naitala sa nakalipas na ilang taon. Gayunman, binigyang-diin niyang hindi lamang oras ang mahalaga sa malalaking kompetisyon kundi ang kakayahang manalo sa mismong karera.

Ayon kay Bossong, malakas at handa ang kanyang katawan, ngunit kailangan pa niyang hasain ang kanyang racing skills at makakuha ng mas maraming karanasan sa mga malalaking torneo.

“Good experience ito para sa akin. Marami akong natutunan kung paano makipagkarera nang mas maayos,” sabi niya.

Malaking inspirasyon din para sa runner ang suporta ng mga Pilipino, lalo na ang mga mensaheng natanggap niya mula sa mga kabataang nagsabing isa siyang inspirasyon.

“Hindi mahalaga kung ano man ang naiuwi ko. Masaya ako dahil nakita kong may epekto ako sa ibang tao,” ani Bossong.

Magpapahinga muna si Bossong nang isang buwan matapos ang mahigit isang taong tuluy-tuloy na pagsasanay bago muling sumabak sa kompetisyon.

Kabilang sa kanyang mga target ang Asian Championships sa tagsibol, World Championships sa ikalawang bahagi ng taon at Southeast Asian Games.

Ngunit higit sa lahat, malinaw ang kanyang pangarap — makapagbulsa ng medalya sa Olympics.

Para kay Bossong, mahalagang hakbang ang bronze sa Asian Games, lalo’t ito ang pinakamalaking kompetisyong kanyang sinalihan at unang pagkakataon niyang kumatawan sa Pilipinas sa ganitong kalaking entablado.

“Malaking accomplishment na ang makarating sa podium. Kahit hindi gold, marami akong natutunan at maayos kong nahawakan ang pressure,” ani Bossong. (𝙋𝙊𝘾 𝙈𝙚𝙙𝙖𝙞 𝙋𝙤𝙤𝙡/𝙃𝙉𝙏)