P6.8-M shabu kompiskado; 22-anyos HVI timbog sa Pasig

Shabu Prison

NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P6.8-milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa 22-anyos lalaki sa Pasig City, nitong Sabado ng hapon, 26 Setyembre.

Kinilala ang suspek sa alyas na Amo, 22 anyos, nakatala bilang high value individual (HVI), nadakip dakong 5:20 ng hapon, sa C. Raymundo Ave., Barangay Caniogan, sa naturang lungsod.

Isinagawa ang buybust operation kasunod ng intelligence gathering, pagmamanman, at pagberipika sa mga aktibidad ng suspek.

Ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Pasig CPS katuwang ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Station Intelligence Section, Follow-up Section, SWAT Team, at Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO).

Ayon sa Eastern Police District (EPD), nakompiska mula sa suspek ang anim na medium-sized transparent zip-lock plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, aabot ang kabuuang timbang ng 1,000 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P6,800,000.

Nasamsam din sa operasyon ang tatlong P1,000 bill na ginamit bilang buybust money na nakapatong sa boodle money; kulay berdeng sling bag; ID at lisensiya; kulay pilak na timbangan; at pulang motorsiklong Honda Click.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.