TINATAYANG nasa P30 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog sa isang 3-palapag na commercial building kung saan matatagpuan ang isang hardware store sa Parañaque City, nitong Biyernes ng gabi, 25 Setyembre.
Nagsimulang sumiklab ang sunog sa Richland Building, sa kanto ng Pilipinas Ave. at Dr. A. Santos Ave., Barangay San Isidro, sa naturang lungsod, dakong 11:29 ng gabi, noong Biyernes, ayon sa ulat ni Parañaque City Fire Marshal Supt. Liher Barrios.
Nabatid na pag-aari ang gusali ni Richard Alviar na inookopahan ng 3R Max Hardware.
Agad itinaas ang sunog mula una hanggang ikalimang alarma sa kabila ng pagsisikap ng mga bombero na maapula ang apoy at maiwasang kumalat sa mga kalapit na establisimiyento.
Ayon kina SFO3 Giovanni Corbes at FO1 Michell Baclao, mga arson investigator ng BFP, itinaas ang sunog sa ikalimang alarma dakong 12:14 ng madaling araw ng Sabado, 26 Setyembre, bago maideklarang under control dakong 6:29 ng umaga.
Ani Corbes, nagsimula ang sunog sa gitnang bahagi ng unang palapag kung nasaan ang hardware store.
Dahil sa mga combustible material sa tindahan, kabilang ang mga pintura at iba pang materyales sa konstruksiyon, mabilis na lumakas ang sunog.
Samantala, ayon sa guwardiyang si Ariel Seva, nakarinig siya ng tila pagsabog sa loob ng tindahan bago niya natuklasan ang sunog.
Nang pumasok siya sa gusali, nakita niyang kumakalat na ang apoy sa mga pasilyo kaya nagmadali siyang lumabas at humingi ng tulong.
Dagdag ni Barrios, patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong dahilan ng sunog.
Walang naiulat na nasawi o nasaktan sa sunog.
