NAGOYA — Nabigo ang Alas Pilipinas Men sa unang laro nito sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games matapos yumuko sa South Korea, 25-16, 27-25, 25-22, nitong Linggo sa Park Arena Komaki.
Ayon kay team captain Bryan Bagunas, naging malaking problema ng koponan ang sunod-sunod na errors, lalo na sa mga crucial na sandali ng bawat set.
“Medyo marami kaming errors talaga, kailangan namin i-manage ang errors namin,” ani Bagunas.
Malapit nang maagaw ng Alas ang ikalawang set, ngunit muling kumawala ang South Korea sa mga huling puntos.
“Nandun na e. Siguro ’yung finishing lang, doon kami nagkakamali pag patapos na ’yung set. Need namin manage ’yung errors,” dagdag niya.
Itinuro rin ni Bagunas ang limitadong paghahanda ng koponan, lalo na’t dalawang araw pa lamang silang nagsasanay kasama si Joshua Retamar bago ang Asiad.
“Siguro isa ’yung serving namin… two days pa lang kami training with Owa [Retamar],” ani Bagunas.
Gayunman, nananatiling positibo ang team captain at hinikayat ang mga batang manlalaro na sulitin ang exposure sa Asian Games, lalo na sa posibilidad na makapaglaro bilang imports sa ibang bansa.
“Sabi namin itong Asian Games malaking tulong para sa amin, lalo na para sa mga bata. Exposure na rin nila. Kung makakapaglaro overseas as import, makikita sila dito,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, patuloy niyang hinihikayat ang mga kasamahan na lumaban at umasa sa mas malaking suporta para sa Philippine volleyball.
“Laban lang natin ito… tuloy-tuloy lang.”
Sa kabila ng pagkatalo, hindi nakalimutan ni Bagunas ang mga Pinoy na bumiyahe pa-Japan upang suportahan ang Alas.
“Talagang nagpapasalamat talaga kami sa lahat ng fans na pumunta pa dito sa Japan para suportahan kami. Talagang di na-feel ’yung walang suporta from the fans. Nandiyan kayo, manalo o matalo,” mensahe ni Bagunas. (POC Media Pool/HNT)
