NAGOYA — Umakyat sa medalya ang pag-asa ng Team Philippines matapos makapasok si beteranong Janry Ubas sa finals ng men’s long jump sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games nitong Linggo sa Mizuho Park Stadium.
Tumalon ang 32-anyos na dating SEA Games gold medalist ng 7.59 metro sa kanyang ikalawang pagtatangka—sapat para maabot ang qualifying standard at makasiguro sa puwesto sa medal round. Pangwalo si Ubas sa 12 finalist.
Nanguna sa qualifying round si Uzbekistan’s Anvar Anvarov matapos itala ang 8.00 metro.
“Sobrang happy kasi na-hit agad ang qualifying standard. Sobrang lakas talaga, parang final na. ’Yung iba na magagaling, nahirapan din,” ani Ubas.
Ikalawang sunod na Asiad finals na ito para kay Ubas. Sa 2023 Hangzhou Games, pangatlo siya sa qualifying round ngunit nagtapos lamang sa ikapitong puwesto sa finals.
Sa kanyang ikatlong pagsabak sa Asian Games, determinado ang beteranong jumper na gamitin ang kanyang karanasan upang makamit ang minimithing podium finish.
“Feeling ko may natira pa akong lakas at mag-iimprove pa sa finals. Focus lang, huwag ma-pressure, tiwala lang sa training. Lahat naman naghanda,” ani Ubas.
Mas matindi ngayon ang kanyang motibasyon na makapag-uwi ng medalya, batid na maaaring ito na ang isa sa kanyang huling pagkakataon sa pinakamalaking kontinental kompetisyon.
“Gusto ko talaga maka-produce ng medalya kasi pang-third time ko na ito. Next time, 36 or 37 na ako,” dagdag niya.
Finals na ang susunod na hamon kay Ubas—at dito niya susubukang ilabas ang pinakamalakas niyang talon. (POC Media Pool/HNT)
