NAGSIMULA ang University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup sa pamamagitan ng straight-set na panalo laban sa College of Saint Benilde (CSB) Lady Blazers, 25-21, 25-12, 25-18, sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni beteranang hitter Regina Jurado ang opensiba ng UST matapos magtala ng game-high na 13 puntos, kabilang ang 12 mula sa attacks. Dalawang sets lamang naglaro si Jurado ngunit naging mahalagang bahagi siya ng matatag na simula ng Golden Tigresses.
Naging mahigpit ang unang set nang makalapit ang CSB sa 23-21 matapos habulin ang limang puntos na kalamangan ng UST. Gayunman, nakapagtala ang Golden Tigresses ng dalawang magkakasunod na puntos, kabilang ang kill ni Jurado, upang makuha ang unang set.
Mas naging dominante ang UST sa ikalawang set matapos gamitin ni coach Shaq Delos Santos ang lalim ng kanyang lineup. Naging maayos ang distribusyon ng bola nina Aneeza Santos at Arlene Waje na kapwa nagtala ng walong excellent sets, habang may anim naman si Cassie Carballo.
Hindi na nakabangon ang CSB sa ikatlong set at tuluyang naselyuhan ng UST ang straight-set na panalo.
Si Camila Bartolome ang nanguna para sa Lady Blazers na may 11 puntos, mula sa siyam na attacks at dalawang aces. Nagkaroon naman ng problema ang CSB sa errors na nagbigay sa UST ng kabuuang 25 puntos.
Bukod kay Jurado, nagdagdag sina Marga Altea at Erica Gutierrez ng tig-pitong puntos para sa Golden Tigresses. (HNT)
