Ikalawang FIFA arena sa Pilipinas, binuksan sa Puerto Princesa

PFF FIFA Puerto Princesa Football Association PPFA

PUERTO PRINCESA — Mas pinalawak ang oportunidad para sa mga batang football player sa Palawan matapos pormal na ilunsad ng Philippine Football Federation (PFF), FIFA at Puerto Princesa Football Association (PPFA) ang ikalawang FIFA Arena sa bansa noong Setyembre 24 sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Barangay Sta. Monica.

Ang FIFA Arena ay isang all-weather quarter pitch na may artificial turf at idinisenyo para sa small-sided football ng mga bata at kabataan.

Layunin nitong magbigay ng ligtas, madaling puntahan at de-kalidad na lugar para sa mga elementary at junior high school player upang malinang ang kanilang pundasyon sa football.

Ang pasilidad sa Puerto Princesa ang ikalawang FIFA Arena sa Pilipinas matapos ang unang itinayo sa Balanga, Bataan na binuksan noong Enero 21, 2026.

Bukod sa bagong football pitch, dalawang programa ng FIFA ang unang inilunsad sa Pilipinas—ang FIFA Boots for All Program, kung saan namahagi ang FIFA at PFF ng 500 pares ng football boots sa mga batang manlalaro sa Palawan, at ang FIFA Medical Session for Children na nakatuon sa health education at emergency response.

Ayon kay PFF President John Anthony Gutierrez, higit pa sa simpleng pagbubukas ng football pitch ang proyekto dahil pinagsasama nito ang oportunidad, access, kalusugan at kapakanan ng mga bata.

“Today is about more than just simply opening a football pitch in a beautiful city. We are bringing together opportunity, access, health, and the protection of our children—all through football,” ani Gutierrez.

Dagdag niya, malaking tulong ang FIFA Arena dahil nagbibigay ito ng ligtas at all-weather na lugar para makapaglaro ang mga kabataan.

Tinukoy rin ni Gutierrez ang kahalagahan ng Boots for All program dahil para sa ilang bata, nagiging hadlang sa paglalaro ang kawalan ng tamang football boots.

Layunin naman ng medical program na turuan ang mga coach at batang manlalaro ng mas mahusay na kaalaman sa emergency response, kalusugan at player welfare.

Hinimok ni Gutierrez ang mga kabataan sa Palawan na gamitin ang bagong pasilidad upang matuto, makipagkaibigan at higit pang mapaunlad ang kanilang talento.

Samantala, sinabi ni FIFA Council Member at dating PFF President Mariano V. Araneta Jr. na nagsisimula ang pag-unlad ng football sa grassroots level—“with a child, a ball, and a place to play.”

Pinuri rin niya ang pagtutulungan ng FIFA, PFF, mga ahensya ng gobyerno at lokal na komunidad para maisakatuparan ang proyekto.

Ayon naman kay FIFA Regional Lead and Development Manager for East and Southeast Asia Lavin Vignesh, bahagi ang FIFA Arena ng mas malawak na programa ng FIFA na magtayo ng mas maraming football pitches sa buong bansa.

Binigyang-diin niya na isa sa pinakamahalagang bahagi ng paglulunsad ang makitang masaya at sabik ang mga batang manlalaro sa bagong pitch at kanilang mga bagong football boots.

Sinabi rin ni FIFA Arena Project Consultant Amlan Kamal na ang Arena, Boots for All at Football for Schools programs ay magkakaugnay upang makabuo ng isang holistic ecosystem para sa football.

Samantala, ibinahagi ni FIFA Senior Health and Medical Projects Manager Khloud Sebak na unang pagkakataon sa Puerto Princesa na naihatid sa isang host country ang global health promotion content ng FIFA Medical. Available din ang mga materyales sa FIFA website, YouTube at Football for Schools app para maabot maging ang mga kabataang nasa malalayong lugar.

Para kay PPFA President Dio Paolo De Guzman, natupad na ang matagal nang pangarap ng grassroots football community sa Palawan.

“This is the start of the journey to develop more young players, our grassroots for Palawan,” ani De Guzman.

Inanunsyo rin niya ang libreng Saturday training sessions para sa mga bata sa buong lalawigan, na pangungunahan ng mga licensed coach.

Dumalo sa seremonya ang mga opisyal ng PFF at FIFA, kasama ang mga lider ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Puerto Princesa City Administrator Atty. Herbert Dilig, na kumatawan kay Mayor Lucilo Bayron; Vice Mayor Atty. Peter “Jimbo” Maristela; City Councilor Epitacio Lao, na kumatawan kay 3rd District Representative Gil Acosta Jr.; at mga konsehal na sina Gerry Abad, Karl Dylan Aquino, Matthew Mendoza, Erwin Edualino at Luis Marcaida III.

Naroon din sina dating Vice Mayor Nancy Socrates, dating Vice Mayor at PPFA founder Vicky T. De Guzman, at City Sports Director Atty. Gregorio Austria.

Bahagi ang Puerto Princesa FIFA Arena ng patuloy na pambansang programa ng PFF at FIFA, katuwang ang AFC, AFF, Philippine Sports Commission (PSC), mga regional football association, local government unit at pribadong kumpanya, upang mapalawak ang access sa de-kalidad na football pitches sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Mula nang simulan ang programa noong 2026, naitayo na rin ang mga de-kalidad na pitch sa Tagum City, Davao del Norte, katuwang ang AFF, at sa Leganes, Iloilo, katuwang ang Filinvest Land Corporation.

Samantala, isinasagawa na rin ang konstruksyon ng mga bagong full-sized football pitch sa Naga City at Baguio City, katuwang ang PSC. (PSC/HNT)