NAGOYA, JAPAN — Nagtapos sa ikaanim na puwesto ang Team Philippines sa men’s artistic gymnastics team final ng 20th Asian Games nitong Miyerkules sa Nagoya City General Gymnasium Rainbow Hall.
Nagtala ang koponan nina double Olympic gold medalist Carlos Yulo, FIG World Cup gold medalist Eldrew Yulo, Southeast Asian Games medalists Miguel Besana at Justine Ace De Leon, at Zachary Nunez ng kabuuang 227.359 puntos.
Ayon kay Carlos, malayo pa ang kanilang koponan sa puntiryang manalo sa team event, ngunit malaking bagay ang kanilang pag-abot sa finals sa Asian Games.
“Malayo pa talaga tayo. Pero nakakatuwa kasi first time yata na nakapasok tayo sa finals sa Asian Games bilang Team Philippines,” ani Yulo.
“Lahat nag-all out. Pagod na pagod na pero lumaban tayo nang buong puso,” dagdag niya.
Muling nanguna si Carlos sa floor exercise matapos umiskor ng 14.266 puntos, habang bumawi naman siya sa vault sa iskor na 14.566.
Itinuturing ng Olympic champion na mahalagang paghahanda ang kanyang performance sa vault para sa mga susunod na laban.
“Super comfortable ako today at relaxed lang talaga ang pakiramdam ko. Kailangan ko iyong ma-replicate sa susunod,” ani Carlos.
Nakatutok na ngayon ang magkapatid na Yulo sa men’s floor exercise final ngayong Huwebes, Setyembre 24, kung saan kapwa sila sasabak para sa medalya.
Bukod sa floor, pasok din si Carlos sa vault at parallel bars finals, habang makikipaglaban naman si Eldrew sa horizontal bar final.
Samantala, umabante rin si Miguel Besana sa vault final, ang parehong event na pinagwagihan niya ng gintong medalya sa 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia.
Umaasa ang Team Philippines na maipagpapatuloy ng mga Yulo at Besana ang kanilang kampanya sa individual finals at makapag-uwi ng medalya para sa bansa. (POC Media Pool/HNT)
