PMNFT U17, umarangkada sa 2027 AFC Qualifiers

PMNFT U17 2027 AFC QUALIFIERS Football

MAAGANG nagpakitang-gilas ang Philippine Under-17 Men’s National Football Team (PMNFT U17) matapos pabagsakin ang Cambodia, 2-1, sa pambungad nitong laro sa Group A ng 2027 AFC U17 Asian Cup Qualifiers nitong Linggo sa Star City Sports Club sa Thanlyin, Myanmar.

Naging bida sa panalo si Filipino-German forward Kai Müller na nagpasiklab sa kanyang debut matapos itala ang dalawang goal para pangunahan ang ratsada ng Pilipinas.

Ikatlong sunod na panalo na ito ng PMNFT U17 kontra Cambodia mula noong 2025 qualifiers.

Ayon kay Philippine Football Federation (PFF) president John Anthony Gutierrez, patunay ang panibagong tagumpay sa pagiging consistent ng programa ng bansa sa paghubog ng mga batang manlalaro.

Aniya, mahalagang mapalakas ang mga youth national team upang makabuo ng mas matatag na senior national squads sa hinaharap.

Unang nagpaingay si Müller sa ika-39 minuto nang ipasok ang bola gamit ang kaliwang paa matapos makalusot sa depensa ng Cambodia.

Gayunman, nakabawi ang Cambodia bago matapos ang unang half nang samantalahin ni Long Bich ang isang interception mula sa kanilang high press upang itabla ang laban.

Nanatiling dikdikan ang palitan ng atake sa second half hanggang muling kumana si Müller sa ika-69 minuto. Matapang niyang nilusutan ang dalawang Cambodian defender bago muling bumaon ang kanyang kaliwang paa para sa go-ahead goal.

Hindi rin nagpabaya ang depensa ng Pilipinas sa mga huling minuto.

Sa ika-83 minuto, matagumpay na napigil ni Lucas Asher Alvarez ng Bay Area Surf SC ang mapanganib na pag-atake ni Chantha Seyha sa loob ng penalty box.

Dalawang mahalagang save naman ang ginawa ni goalkeeper Nicko Buan ng Paris Saint-Germain U15 sa dagdag na oras upang pigilan ang huling pagtatangka ng Cambodia na makapuntos.

Masayang-masaya si Müller sa naging debut ngunit iginiit na marami pa siyang kailangang pagbutihin.

Ayon sa batang forward ng FC Nürnberg, maganda ang kanyang naging laro ngunit hindi pa siya lubusang nasisiyahan sa kanyang ipinakita.

Susunod na haharapin ng PMNFT U17, sa ilalim ng pamumuno ni Spanish coach Sergi Mulet, ang Indonesia sa Nobyembre 11, alas-4:30 ng hapon (oras sa Pilipinas) sa Yangon.

Kabilang ang Indonesia sa mga bansang nakalaro sa 2023 at 2025 FIFA U17 World Cup. (PSC/HNT)