KAIZU, JAPAN — Hindi man umabot sa podium, ipinakitang hindi sumusuko si Joanie Delgaco matapos ang pang anim na puwesto sa women’s single sculls Final A ng 2026 Asian Games nitong Huwebes sa Nagaragawa International Regatta Course.
Nagrehistro si Delgaco ng 8:01.63, malayo sa gintong oras ni Zhang Xinyu ng China na 7:21.53. Silver medalist si Anna Prakaten ng Uzbekistan habang bronze naman si Fatemeh Mojallal Topraghhale ng Iran.
Sa kabila ng resulta, kuntento si Delgaco sa kanyang ipinakitang laban at nagpapasalamat na natapos niya ang karera matapos ang mahabang paghahanda.
“Hindi man po naka-podium, thankful po ako kasi natapos ko ang race. Maayos naman po ang naging performance ko at wala akong pinagsisisihan kasi ibinigay ko naman po ang lahat ng best ko,” ani Delgaco.
Dala ng Filipina rower sa karera ang lahat ng hirap at sakripisyong pinagdaanan sa training, kabilang ang dalawa’t kalahating buwang kampo sa Germany matapos ang paghahanda sa Pilipinas.
Aminado siyang nasaktan sa pagkabigo sa medalya, ngunit naniniwalang may dahilan ang resulta at magsisilbi itong dagdag-motibasyon sa kanyang pagbabalik.
Malaking sandigan din niya ang kanyang pamilya na patuloy na nagbibigay ng suporta at kumpiyansa sa kanyang kakayahan.
Ngayon, nakatuon na si Delgaco sa mas malaking hamon—ang Olympic qualification campaign sa susunod na taon.
“Wala na po akong iniisip ngayon kundi babawi talaga ako next year sa qualification sa Olympics. Isa po ito sa naging motivation ko para bumawi,” saad niya.
Sa halip na panghinaan, ginawa ni Delgaco ang Asiad setback na panibagong motibasyon para sa kanyang Olympic dream. (POC Media Pool/HNT)
