HINAMON ni Senador Francis Pangilinan nitong Huwebes ang Department of Justice (DOJ) at ang National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mayayamang agricultural smugglers at patunayan na hindi sila ‘untouchables’.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DOJ, kinuwestiyon ni Pangilinan ang ahensiya dahil sa pagkaka-dismiss ng mga kaso ng agricultural smuggling dahil kulang o nawawala ang dokumento mula sa Bureau of Customs (BoC).
“Forgive me, [DOJ] Secretary Vida, [NBI] Director Matibag. I’m challenging you. These people are ‘untouchable’ up to this point,” ani Pangilinan.
Aniya, bilyon-bilyong pisong halaga ng smuggled agricultural products ang pumapasok sa bansa, kaya nakababahala ang kalidad at kaligtasan nito.
“We’re talking of billions of pesos worth of smuggled goods being brought into our country whose quality is questionable, whose safety standards are obviously unclear,” dagdag niya.
Hinimok ni Pangilinan ang mga awtoridad na habulin ang umano’y ‘bilyonaryo’ na nasa likod ng smuggling.
“Prove to us, show us that they are not untouchable. Show us what you can do to prove that they are not untouchable,” giit niya.
Sinabi niyang handa niyang suportahan ang budget ng DOJ basta matuldukan na ang panahon ng mga ‘untouchables’ na smuggler.
Binanggit ni Pangilinan na mahigit 100 kaso ng pagkakahuli ng smuggled agricultural products na isinumite sa DOJ, nasa 90 ang na-dismiss dahil hindi nakapagbigay ang BoC ng certified true copies ng mga dokumento.
Ayon kay DOJ Secretary Vida, inaatasan na ngayon ng DOJ ang BoC at Bureau of Internal Revenue (BIR) na muling isumite ang mga dokumento at ituloy ang kaso laban sa mga responsable.
Dagdag niya, nagbabala na rin ang Office of the Ombudsman na ang hindi pagtupad ng mga opisyal sa tungkulin ay maaaring ituring na dereliction of duty.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag, may tripartite agreement ang NBI at BoC para palakasin ang case buildup sa smuggling cases.
Kinuwestiyon ni Pangilinan ang pagbabago sa halaga ng mga nakompiskang produkto — gayong ang mga naunang shipment ay iniulat na mahigit P10 milyon halaga ay biglang bumababa ang valuation.
“It’s quite convenient; it’s mostly below P10 million, bailable. That’s also something you need to look into, because there seems to be some adding or deducting from the amounts,” aniya.
Sagot ni Matibag, sa panahon niya ay may nahuli na ang NBI na lagpas P10 milyon — sibuyas na P37 milyon at manok na nasa P12 milyon.
Humiling si Pangilinan ng hiwalay na pagpupulong kasama ang mga ahensiya para tutukan ang isyu, na sinang-ayunan ni Vida.
Bilang tugon sa hamon na habulin ang ‘untouchable smugglers’, iginiit ni Vida na ang prinsipyo ng DOJ ay rule of law.
“No one should be above the law,” ani Vida, at tiniyak ng DOJ na sasampahan ng kaso ang dapat kasuhan anuman ang pangalan o estado sa buhay.
Matapos ang pagdinig, inaprobahan ng Senate finance committee ang panukalang P46.435 bilyong budget ng DOJ para sa 2027 para sa plenary consideration. (NIÑO ACLAN)
