KINANSELA ng pamunuan ng Far Eastern University (FEU) Filinvest City, Alabang, Muntinlupa City ang klase at pasok sa eskuwela matapos silang ‘bombahin’ ng bomb threat sa social media account.
Dakong 11:00 ng umaga nang tuluyang kanselahin ng pamunuan ng FEU ang klase sa senior high school, kolehiyo, at ang trabaho ng faculty at mga staff, pati lahat ng mga gawain sa paaralan.
Nauna rito, humingi ng tulong sa pulisya ang mga security personnel ng paaralan, dahil sa natanggap na mensahe sa social media account.
Anila, ‘binomba’ ng bomb threat ang social media account ng paaralan, dahilan para maalerto ang pamunuan.
Sa mensahe ng isang Huey Kevin, sinabing mayroong bomba sa paaraalan na nakalagay sa isang iniwanang bag sa ibang bahagi ng gusali.
Agad humingi ng tulong sa pulisya ang mga security personnel ng paaralan at nanawagan ang pamunuan ng FEU sa lahat na maging kalmado at maingat na lumikas sa paaralan.
Sa pahayag ng Alabang Police Sub-Station nakatanggap sila ng tawag mula sa FEU Alabang hinggil sa pagbabanta sa pamamagitan ng social media account.
Nagesponde sina PMaj. Velmor Deatras, PCpl. Mark Diloy, at Pat. Leo Saman ng Alabang Police Sub-Station upang magsagawa ng kaukulang seguridad at beripikasyon.
Sinabi ng pulisya magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon ukol sa insidente.
Tiniyak ng pamunuan ng FEU na makikipagtulungan sila sa pulisya matapos nilang iulat ang insidente ng pagbabanta at mas paiigtingin ang seguridad at kaligtasan ng mga estudyante, guro, at empleyado na papasok at lalabas sa gusali ng paaralan. (NIÑO ACLAN)
