P1-B confidential funds vs cybercrime hiniling
‘Groomer’, shooter sa SoCot nasa kustodiya na ng NBI

Banga National High School South Cotabato

HAWAK na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibiduwal na kinabibilangan ng isang ‘online groomer’ at itinurong shooter sa Banga National High School sa South Cotabato.

Sa kanyang pagharap sa budget hearing sa Senado, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag, naaresto sa Cebu ang ‘groomer’ habang nadakma rin ang isa sa mga shooter sa nasabing paaralan na ikinamatay ng tatlong estudyante.

“Yesterday we were able to get hold of one of the individuals na somehow related to what happened in South Cotabato and we made an apprehension of one of the suspected groomers from Cebu,” ani Matibag.

Ayon kay Matibag, sa online lamang nag-uusap ang mga sangkot at nakabubuo ng kanilang mga desisyon.

Aniya, patuloy ang koordinasyon ng NBI sa mga paaralan at iba pang ahensiya para sa imbestigasyon at pagligtas sa mga indibiduwal na posibleng sangkot sa naturang grupo.

Pahayag ni Matibag, posibleng umabot sa 10 indibiduwal ang mailigtas ng ahensiya sa mga susunod na araw.

Hiniling ni Matibag ang karagdagang pondo para mapalakas ang monitoring ng online threats at mas mabilis na pagtugon sa mga posibleng pag-atake.

Humihingi ang NBI ng P1 bilyong confidential funds para sa mga kagamitan at teknolohiyang gagamitin sa pagtugon sa cybercrime at iba pang krimen.