NAGOYA — SUSUBUKANG buhayin ng Gilas Pilipinas Men’s 3×3 ang kampanya ng bansa sa basketball sa 20th Asian Games sa pakikipagsagupa sa Kazakhstan ngayong Miyerkules.
Bitbit ng Gilas 3×3 ang malakas na 2-0 kartada matapos pabagsakin ang No. 1 sa Asya na Mongolia, 19-12, at Sri Lanka, 21-12, sa unang araw ng kompetisyon sa Kinjo Futo Station Square.
Kapag tinalo ang Kazakhstan sa alas-12:15 ng tanghali, wawakasan ng mga Pinoy ang elimination round na walang talo at agad susungkitin ang tiket sa quarterfinals, isang hakbang palapit sa medalya.
May 1-1 rekord ang Kazakhstan matapos talunin ang Sri Lanka bago yumuko sa Mongolia.
NANGUNA sa ratsada ng Gilas si Nic Cabañero ng Binan Tatak Gel sa Maharlika Pilipinas Basketball League, na kumana ng pitong puntos kontra Mongolia at nagdagdag ng walong puntos laban sa Sri Lanka.
Malaking tulong din ang mga timely basket nina Koji Buenaflor ng UST at Luis Pablo ng La Salle, habang naging susi ang matinding depensa ng buong koponan para makontrol ang takbo ng laro.
Kasama rin sa koponan si Doy Dungo, kapwa ni Pablo mula La Salle. Halos isang buwan lamang ang naging paghahanda ng apat bago dumating sa Nagoya, ngunit nakatulong ang kanilang pagsasama sa UAAP at iba pang torneo upang mabilis na mabuo ang chemistry.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), umakyat din ang Pilipinas sa No. 27 sa world men’s 3×3 rankings.
Gayunman, walang puwang sa kumpiyansa ang Gilas.
“Dito sa 3×3, anybody can beat anyone, so we consider everyone a threat,” ani Pablo.
Lalong magiging mahalaga ang naturang mindset laban sa Kazakhstan habang hangad ng Gilas na tapusin nang malinis ang pool stage.
Matatandaang pinabagsak ng China ang Gilas 5×5, 105-61, sa preliminary round, dahilan upang mabigo ang defending champions na maipagtanggol ang gintong medalya at maulit ang kanilang tagumpay sa Hangzhou. (POC/HNT)
