Sundalo napikon sa ‘di maayos na parada ng motorsiklo kaalitan binunutan ng baril

Plaridel Bulacan PNP

INARESTO ng mga awtoridad ang isang sundalo matapos bunutan ng baril at bantaan ang mga nakaalitan sa Barangay Sipat, sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng gabi, 13 Setyembre.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Restituto Granil, hepe ng Plaridel MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alyas Jes, 27 anyos.

Batay sa imbestigasyon at pahayag ng mga biktima at saksi, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang grupo ng mga biktima kaugnay ng mga nakaparadang motorsiklo.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, sinabing bumunot ng baril ang suspek na isang Glock 17 9mm pistol mula sa sling bag at nagbanta sa grupo, na nagdulot ng takot at pangamba sa mga biktima at saksi.

Agad umiwas ang mga biktima at humingi ng tulong sa mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober mula sa suspek ang isang Glock 17 9mm pistol, dalawang magazine, at 34 live ammunitions ng 9mm.

Dinala ang suspek at ang mga nakompiskang ebidensiya sa Plaridel MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda na ang criminal complaint na Grave Threat at Physical Injury laban sa suspek na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor, sa lungsod ng Malolos.

Binigyang-diin ni P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, hindi nila kinukunsinti ang kahit anong uri ng pananakot, karahasan, o maling paggamit ng baril, at patuloy nitong paiigtingin ang mga hakbang upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan. (MICKA BAUTISTA)