Baha Rap Challenge: Mga rapper nagpahayag ng pagkadesmaya sa pagbaha sa pamamagitan ng musika

Bam Aquino Pio Balbuena


SA gitna ng mga pagbaha na naglubog sa ilang bahagi ng National Capital Region at Luzon, ilang rapper ang gumamit ng mikropono para ipahayag ang kanilang pagkadesmaya at mga pangamba, na sumasalamin sa sentimyento ng maraming Filipino hinggil sa talamak na katiwalian sa pamahalaan at pangangailangan para sa reporma.

Sinimulan ni KASSA ang Baha Rap Challenge sa pamamagitan ng awiting Bahay, tampok sina Poison 13 at Onad, na binatikos ang korapsiyon sa pamahalaan at ang epekto nito sa mga ordinaryong Filipinong patuloy na dumaranas ng matinding epekto ng pagbaha tuwing tag-ulan.

Ayan na ang ulan, tumakbo na sa kawalan, lumangoy sa kasakiman, lubog sa kapabayaan,” sabi ng kanta, na binibigyang-diin ang pagdurusang dulot ng kasakiman at kapabayaan ng pamahalaan.

Sa munti mong barong-barong. Ingatan ang lahat. Maging supling mong kalong-kalong halo-halong kalungkutan at problemang patong-patong. Sa ulang di ka masasalba ng kahit anong payong. Ito ang bunga ng kasakimang pinipitas. Kung nandito ‘yung baha, bakit pondo yung nililimas,” dagdag nito.

Binatikos din ng kanta ang mga opisyal ng pamahalaan na inakusahan ng pagbubulsa sa  pondo ng taumbayan na nakalaan sana para sa mga flood control project habang ang mga ordinaryong Filipino ang sumasalo sa mga epekto ng pagbaha.

Sarap po yata diyan ang inyong pagkakaupo habang yung iba naglilimas ng tubig sa mga tahanan, kayo naman nililimas ang kaban ng bayan.Ang sarap siguro diyan kaya hindi makatayo. Komportable kalagayan at mga higaan niyo,” wika ng awitin.

Sumali rin ang ilang rapper, kabilang sina Pio Balbuena, Hambog ng Sagpro, at Flict-G, na nagdagdag ng sarili nilang mga linya sa awitin ni KASSA at nagbahagi ng kani-kanilang pananaw hinggil sa mga insidente ng pagbaha at mga isyung nakapaligid dito.

Tinuligsa ni Pio ang katiwalian at pag-iipon ng kayamanan ng mga nasa kapangyarihan habang patuloy na nagdurusa sa pagbaha ang mga ordinaryong Pinoy.

Nakaaangat sila kasi maraming lubog na lubog. Baha-baha na rito sa amin habang kayo ay busog na busog. Mga maletang malalaki, maraming perang nakatabi. Habang kami, kapagka umuulan ay hindi na makatulog sa gabi,” wika ni Pio, habang tinutuligsa ang mga politikong inaakusahan ng pag-una sa pansarili nilang interes kaysa kapakanan ng mga Filipino.

Ang taas na ng tubig at lumalampas sa hita. Tiis na lang ulit, ganun naman tayong mga Pilipino. Kapag inabutan ng lima, ihuli na ‘yung kiliti mo. Binobobo ‘yung Pilipino ng binobotong matatalino at pinopondo ‘yung mga pondo, buhay ng tao ‘yung nakaabono,” dagdag ng rapper.

Samantala, binigyang-pansin ni Flict-G ang trilyon-trilyong pisong inilaan para sa mga proyekto sa pagkontrol ng baha, at kinuwestiyon kung paano ginastos ang mga pondo at kung bakit marami sa mga proyekto ang nananatiling hindi natatapos.

Alam mo ba? Na kung susuriin mo ang mga datos. Mahigit isang trilyon sa apat na taon ng gastos. Kalahati sa mga proyekto, ‘di rin matatapos. Kasi umpisa pa lang, pati ‘yung bidding, ‘di maayos,” wika niya.

Nagpahayag naman si Hambog ng Sagpro ng galit at pagkadismaya sa katiwalian at maling paggamit ng tulong ng pamahalaan at pampublikong pondo tuwing may bagyo.

Binatikos din niya ang mga opisyal dahil sa pag-una sa sarili nilang interes habang nahihirapan ang mga komunidad dahil sa pagbaha, gutom, kakulangan sa empraestraktura, at mabagal o hindi sapat na ayuda, kasabay ng panawagan para sa pananagutan.

Sindikato’t kriminal sana ang rehas mahaplos. Mapunta pa sa impyerno para rehas malapnos,” wika niya.

Ibinahagi naman ni Senador Bam Aquino sa kanyang Facebook page ang music video ni Balbuena, na sumagot ang rapper ng, “Sana maipasa na yung CADENA. Blockchain the budget now!”.

Tinutukoy ng rapper ang Senate Bill No. 1506 ni Sen. Bam, o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa noong Disyembre 15, 2025, sa botong 17-0, ng walang pagtutol o abstention. Wala namang nakitang pagkilos sa bersiyon ng panukala sa Kamara.

Sa ilalim ng CADENA Act, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa budget — kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bill of materials, at procurement records—sa isang Digital Budget Platform.

Idinisenyo ang sistema upang matiyak na ang lahat ng file ay naa-access ng publiko, protektado laban sa pakikialam o pagbabago, nasusubaybayan, open-source, at napapatunayan. Maaaring maharap sa administratibo at kriminal na parusa ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi magbunyag ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng mapanlinlang na impormasyon.